ni Lolet Abania | May 12, 2022
Umabot sa 27 'insidente' ang nai-report na nangyari noong Mayo 9, Election Day, na nagresulta sa pagkamatay ng pitong indibidwal, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
“Sa mismong araw ng eleksyon, ito po ay nu’ng May 9, nakapagrehistro tayo ng 27 incidents,” pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Huwebes.
Ayon kay Año, bukod sa pitong nasawi, nasa 33 pa ang nasaktan sa mga naturang insidente.
Aniya, mayroong 11 shooting at mauling incidents na naganap sa Albay, Negros Oriental, Cotabato City, Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, at Zamboanga del Norte.
Sa Maguindanao at Cotabato, nai-report ang tatlong grenade explosions, habang dalawang strafing incidents o pagpapaulan ng bala ng baril sa Basilan.
Nakapagtala naman ng apat na insidente ng kaguluhan sa Maguindanao, Camarines Sur, Lanao, at Tawi-Tawi.
Sinabi rin ni Año na dalawang insidente ng ballot snatching ang naganap sa Lanao del Sur at Basilan, habang tatlong insidente ng sapilitang pagpasok ng mga ‘di awtorisadong indibidwal sa mga polling precincts ang naiulat sa Batangas, Maguindanao at Abra.
Gayundin, dalawang insidente ng pagwasak sa mga vote counting machines (VCMs) ang nai-report sa Lanao del Sur.
Ayon pa kay Año, anim lamang mula sa 27 nai-report na insidente sa mismong araw ng eleksyon ang hinihinala bilang election-related.