ni Ronalyn Seminiano Reonico | October 31, 2020
Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang forced evacuation sa 120 pamilya sa Isla Puting Bato at Baseco bukas nang umaga dahil sa Bagyong Rolly.
Post ni Mayor Isko sa kanyang official Facebook page ngayong Sabado, “Ipinag-utos natin ang forced evacuation bukas nang umaga sa may 120 pamilya sa Isla Puting Bato at Baseco.
“Handa ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na magkaloob sa kanila ng hot meal at food packs at handa rin ang MHD na ipagkaloob sa kanila ang agarang medical check-up sa loob ng evacuation center.”
Nakipagpulong si Isko kina Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles, City Engineer (DEPW) Armand Andres, Manila Health Department (MHD) Dr. Carmelita Crisologo, at City Electrician Engr Randy Sadac upang masiguro ang kaligtasan at kahandaan ng naturang lugar sa pagtama ng Bagyong Rolly.
Nakipag-ugnayan na rin ang Manila government sa “City Electrician” kung sakaling mawalan ng kuryente dahil sa Bagyong Rolly.
Saad ni Isko, “Ang standing order natin sa City Electrician ay gawing mas mabilis sa dati ang restoration ng power lines at coordination sa MERALCO kung may mapuputulan ng kuryente.”
Sa ngayon ay nakataas ang Signal No. 3 sa Catanduanes at Albay; habang Signal No. 2 sa Bulacan, Rizal, Metro Manila, Laguna, Cavite, Batangas, Quezon kabilang ang Polillo Islands, Camarines Norte, ilang bahagi ng Camarines Sur, Sorsogon, Masbate kabilang ang Ticao at Burias Islands, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Island, Northern Samar, ilang bahagi ng Eastern Samar katulad ng San Julian, Sulat, Taft, Can-Avid, Dolores, Maslog, Oras, San Policarpio, Arteche, at Jipapad.
Signal No. 1 naman sa Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Pangasinan, La Union, ilang bahagi ng Ilocos Sur katulad ng Quirino, Gregorio Del Pilar, Salcedo, San Emilio, Candon City, Galimuyod, Santa Lucia, Cervantes, Sigay, Santa Cruz, Suyo, Tagudin, Alilem at Sugpon; Mountain Province, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino at ang central at southern portion ng Isabela katulad ng Mallig, Quirino, Ilagan, Roxas, San Manuel, Burgos, Gamu, Palanan, San Mariano, Benito Soliven, Naguilian, Reina Mercedes, Luna, Aurora, Cabatuan, San Mateo, Cauayan City, Dinapigue, San Guillermo, Echague, San Agustin, Jones, Angadanan, Alicia, San Isidro, Ramon, Santiago City at Cordon.
Gayundin, ang iba pang bahagi ng Eastern Samar, northern portion ng Leyte, Biliran, northwestern portion ng Aklan at northwestern portion ng Antique katulad ng Libertad at Pandan ay nasa Signal No. 1 din.
Ayon sa PAGASA, “Beginning tomorrow early morning, the passage of Typhoon ‘Rolly’ will bring heavy to intense rains over Metro Manila, Bicol Region, CALABARZON, Aurora, Bulacan, Zambales, Bataan, Marinduque, Romblon, Occidental Mindoro, and Oriental Mindoro.”
Samantala, sisiguraduhin din ng pamahalaan ng Manila na maayos ang pangangalaga sa mga tinamaan ng COVID-19 sa mga quarantine facilities.