top of page
Search

ni Lolet Abania | February 11, 2021





Ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa lahat ng employers ng pribadong sektor ang pagbibigay ng tamang pasahod sa kanilang mga empleyado na papasok sa idineklarang holidays ng Pebrero.


Sa Labor Advisory No. 2, series of 2021 ng DOLE, nakasaad dito ang pagbabayad nang maayos na suweldo para sa idineklarang Special (Non-Working) Days sa Pebrero 12 bilang pagdiriwang ng Chinese New Year habang sa Pebrero 25 naman ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.


Una nang nag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng Proclamation No. 986 noong July 30, 2020, kung saan nakatakda ang Pebrero 12 at 25, 2021 bilang special non-working holidays.


Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, ang lahat ng empleyado na papasok sa kani-kanilang trabaho sa nasabing holidays ay dapat mabayaran ng dagdag na 30% sa kanilang basic wage sa unang walong oras.


Ang kanilang basic wage ay tataas ng 130% habang may dagdag na COLA o cost of living allowance. Gayunman, kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho sa nasabing holidays, ang tinatawag na “no work, no pay” ay ipapatupad sa kanila, subalit sakaling may ibang polisiya ang kumpanya, practice o isang collective bargaining agreement (CBA), nararapat ding bayaran ang special days.


Dagdag pa rito, kung ang manggagawa ay nag-duty na lumagpas sa walong oras, sila ay dapat na bayaran ng dagdag pang 30% hourly rate sa kanilang trabaho.


Sakali naman na ang trabaho ay natapat sa special day kasabay ng rest day, sila ay dapat bayaran ng dagdag na 50% sa kanilang basic wage sa unang walong oras ng duty, at kung lumagpas sa walong oras o overtime work, nararapat na sila ay bigyan pa ng dagdag na 30% hourly rate ng trabaho.


“Thus, the computation will be ‘hourly rate of the basic wage x 150% x 130% x number of hours worked,” ayon sa statement ng DOLE.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 7, 2020



Tinatayang nasa 21,000 trabaho, local at overseas, ang alok ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga Filipino sa gaganapin nitong online job fair ngayong darating na linggo.


Ayon sa DOLE, naghahanap ng trabahador ang 600 domestic companies pati na rin ang 15 licensed recruitment agencies na konektado sa Bahrain, Falkland Islands, Germany, Ghana, Ivory Coast, Japan, Jordan, Kingdom of Saudi Arabia, Lebanon, Micronesia, Myanmar, New Zealand, Palau, Qatar, Singapore, Taiwan at Turks and Caicos. Ilan sa mga puwedeng pasukang trabaho rito ay factory workers, nurses, nursing aides, care workers, engineers, CAD operators, telecommunications rigging technicians, maintenance technicians, carpenters, foremen, laborers at building cleaning workers.


Bukod pa rito, naghahanap din ang ilang kumpanya ng supervisors, physical fitness coaches, cake decorators, cooks, food servers, restaurant workers, waiters, waitresses, counter service staff at service staff.


Ang online job fair na ito ay sa pakikipagtulungan sa Bureau of Local Employment and Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na gaganapin sa Huwebes at Biyernes (Disyembre 10 & 11).


Kaya naman, para sa lahat ng gustong mag-apply, ihanda na ang digital copies ng inyong resume o curriculum vitae at iba pang application requirements tulad ng certificate of employment, diploma at transcript of record.


Samantala, umabot sa 8.7% ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Oktubre ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ito ay katumbas ng 3.8 milyong indibidwal.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page