ni Mabel Vieron - OJT | February 25, 2023
Hinihikayat ng Department of Justice (DOJ) ang “no settlement” o walang aregluhan sa mga kaso ng incestuous rape o panghahalay na ginawa ng kaanak.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, isasangguni nila ito sa court administrator at susulat kay Chief Justice Alexander Gesmundo upang magkaroon ng panuntunan sa mga korte kaugnay ng no settlement sa mga kaso ng panghahalay na ginawa ng kaanak.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOJ sa mga opisinang humahawak ng child abuse at incestuous rape cases.
Suportado rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang paglalabas ng memorandum circular bilang gabay ng mga kawani ng lokal na
pamahalaan sa paghawak ng mga insidente ng incestuous rape.
Base sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula 2019 hanggang 2022, nasa 853 na kaso ng sexual abuse sa mga bata na gawa ng kaanak ang nai-report sa ahensya.
Ayon kay CPN Executive Director Bernadette Madrid, mayroon umanong National Baseline Survey on Violence against Children, kung saan makikita rito na 1 sa 20 batang Pinoy ay nakararanas ng sexual violence at karamihan pa rito ay sa kamay ng kanilang mga kamag-anak.
Sinabi naman ng DSWD na may mga programa ang ahensiya tulad ng psychosocial intervention, counseling, residential care facility, at reintegration package para sa mga batang biktima.