ni Gela Fernando @ News | June 18, 2024
Nagsampa ng kaso ang mga piskal ng Department of Justice (DOJ) sa Regional Trial Court ng Cabanatuan, Nueva Ecija laban sa isang lalaki dahil sa pagbebenta ng malalaswang content ng mga menor-de-edad, ayon sa ahensya nitong Martes.
Sa ipinasang resolusyon, ang kaso ay para sa paglabag ng salarin sa Section 4(c) ng Republic Act 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.
Matatandaang nag-ugat ang kaso sa impormasyong natanggap ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa Inter-Agency Council Against Trafficking laban sa akusado nu'ng Marso.
Sa kanilang imbestigasyon, nakita nila ang mga social media accounts na nagbibigay ng mga malalaswang contents ng mga menor-de-edad para sa mababang halaga at maaari itong ma-access sa isang VIP Telegram Channel.
May mga under cover agents ang nagbayad upang matiktikan ang nasabing contents at doon nakatanggap ng link para sa mga sex videos kung saan kanilang nakita ang mismong suspek na pinagsasamantalahan ang ilang mga menor-de-edad sa iba't ibang videos.
Naglabas naman ang isang Korte sa Maynila ng warrant para maghanap, kumuha, at suriin ang computer data laban sa suspek nu'ng Mayo.
Sa paghahanap, natagpuan ng mga otoridad ang mga materyal ng sekswal na pang-aabuso at pananamantala sa mga menor-de-edad mula sa kanyang cellphone, mga parehong video na naka-post sa nasabing Telegram channel, na nagresulta sa kanyang pagka-aresto.
Samantala, binigyang-diin ng DOJ na sinisimbolo ng pagsasampa ng kaso ang pangako ng ahensyang protektahan ang mga indibidwal, at mga kabataan, mula sa posibleng pananamantala online.