top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 25, 2021




Dinepensahan ni Senator Nancy Binay ang mga alkaldeng nagpaturok ng bakuna kontra COVID-19 na wala sa prayoridad at ang redeployment ng mga hindi nagamit na bakuna pabalik sa central office ng Department of Health (DOH), ayon sa panayam sa kanya ngayong umaga, Marso 25.


Aniya, “Naiintindihan ko 'yung rationale kung bakit nagpabakuna ang mga mayor. The best way to encourage them is kung nakikita nila ang ama ng bayan na nagpabakuna.


So, ibig sabihin nu’n, safe s’ya. But ang problema, hindi pa 'yun ang policy. Sana dapat, naging panawagan na lang, eh, sana isama na lang sila ru’n sa priority, just to encourage, not because gusto na nilang maunang makuha ‘yung benefits ng vaccines.”


Kabilang sa mga pinagpapaliwanag ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng ‘show cause order’ ay sina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez at Bataraza Palawan Mayor Abrahan Ibba na nabakunahan noong ika-22 ng Marso, T’Buli South Cotabato Mayor Dibu Tuan at Sto. Niño South Cotabato Mayor Sulpicio Villalobos na binakunahan din noong ika-19 ng Marso, at si Legazpi City Albay Mayor Noel Rosal na naturukan noong ika-16 ng Marso.


Dagdag pa ni Senator Binay, “’Di ba nagkaroon ng order itong DOH, kapag hindi n’yo pa nagamit ‘yung bakuna n’yo sa mga lugar n’yo, ibabalik uli ru’n sa central office? Siguro, itong mga LGU, ‘yung thinking nila, parang nandito na nga ‘yung bakuna, eh. Might as well, use it. I think, nagkaroon ng ganu’ng rationale or reasoning, kaya ‘yung mga hindi health workers, eh, nabakunahan na.”


“Kumbaga, hindi ko maintindihan, bakit kailangang may deadline? Bakit kailangang ibalik pa sa central office? Bakit hindi na lang iniutos ng DOH na, 'Sige, kung wala na sa frontliner, 'yung next in line? Baka puwede na mag-umpisa ‘yung mga senior citizens, kung ang available vaccine, eh, pang-senior citizen. And then kung walang senior citizen, ‘yung next na lang, ‘di ba?”


Iginiit pa niyang hindi na dapat ibalik ang mga bakuna, bagkus ay iturok na lamang sa ibang indibidwal upang hindi na gumastos ang pamahalan sa redeployment.


“Kumbaga, wala nang solian. Kumbaga, ginastusan na natin ‘yung pagpapadala ru’n. Gagastos ka na naman ulit ng pagbabalik dito sa central office.” “So I guess, it’s a maling polisiya rin siguro, ‘yung utusan mo itong mga hindi nagamit na bakuna na ibalik uli sa central office,” sabi pa niya.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 25, 2020




Maaaring matanggal sa puwesto at makasuhan ang mga mayors na sangkot sa illegal logging at mining operations, ayon sa Malacañang.


Matatandaang ang illegal logging at mining ops ang itinuturong dahilan ng matinding pagbaha sa ilang lugar nang manalasa ang sunud-sunod na bagyo sa bansa.


Ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, sangkot ang ilang mayor sa naturang gawain at nagsasagawa na rin umano ng imbestigasyon ang ahensiya sa tulong ng Philippine National Police at local government units upang mabantayan ang illegal logging at mining sa ilang lugar.


Saad pa ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Depending on the final results of the investigation, pupuwede pong matanggal sa puwesto iyang mga mayor na iyan at pupuwede ring kasuhan ng kasong kriminal.”


Mensahe naman ni Roque sa mga mayors, “Well, mga mayors, ‘no, nandiyan po kayo para ipatupad po ang batas, hindi para kayo ang lumabag ng batas. Hindi po dapat ginagamit na para sa negosyo ang inyong posisyon.


“Nakita naman po natin ang danyos na dulot ng illegal logging at illegal mining lalung-lalo na riyan sa probinsiya ng Cagayan, you will have blood in your hands kung poprotektahan ninyo po ang mga illegal miners at illegal loggers.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page