top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 11, 2021



Pormal nang kinasuhan ang may-ari ng Gubat sa Ciudad public pool at ang chairman ng barangay sa Caloocan City na nakakasakop dito matapos mabuking ang operasyon nito sa kabila ng pagsasailalim sa NCR Plus sa modified enhanced community quarantine (MECQ).


Nagsampa sina City Health Officer Evelyn Cuevas at Business Permit and Licensing Office Head Emmanuel Emilio Vergara ng kasong administratibo laban kay Barangay 171 Chairman Romero Rivera dahil sa gross negligence of duty.


Pahayag naman ni Interior Secretary Eduardo Año, "Ang atin pong PNP at LGU ng Caloocan City ay nagsasagawa na ng pag-file ng kaso sa mga violators, kasama na po ang owner ng Gubat sa Ciudad Resort at ang pag-summon at pag-aresto sa barangay captain ng Barangay 171 sa Caloocan City sapagkat hindi niya naipatupad ang community health protocol."


Tinatayang aabot sa 300 katao ang involved sa naturang mass gathering na naganap sa resort.


Samantala, dahil sa insidente ay sinibak din sa puwesto ang commander ng Police Community Precinct Station 9 na si Maj. Harold Aaron Melgar, ayon kay Caloocan City Police Chief Col. Samuel Mina.


Si PLt. Ronald Jasmin Battala naman ang inatasan ni Mina na maging kapalit ni Melgar bilang bagong Station 9 commander.


Ipinag-utos din ni Mina sa lahat ng station commanders na magsagawa ng inspeksiyon sa mga nakatalagang areas of responsibility, maging sa mga business establishments.


 
 

ni Lolet Abania | May 8, 2021




Posibleng masampahan ng kaso ang mga lokal na opisyal ng gobyerno dahil sa pagkabigo ng mga ito na ipagbawal ang mga mass gatherings sa kanilang lugar, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).


Sa isang statement ng DILG, ibinabala nito na ang pagkabigo ng mga local officials na ipatupad ang mga health protocols ay maaaring humantong sa tinatawag na administrative sanction o criminal charge for dereliction of duty sa ilalim ng Revised Penal Code.


“Maaaring administrative complaint or criminal case ang isampa laban sa pabayang LCEs (local chief executives). Hindi po gusto ng DILG na dumating sa puntong gawin ito, kaya sana ipatupad nang maayos ng LGUs (local government units) ang polisiya sa mass gatherings ayon sa quarantine classification sa kanilang lugar,” ani DILG Secretary Eduardo Año.


Batay sa guidelines ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 noong April 15, ang pagtitipon sa labas ng mga tahanan at pagtitipon sa loob ng tirahan ay ipinagbabawal sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ (MECQ), at general community quarantine (GCQ).


Gayunman, ang mga gatherings ay pinapayagan ng hanggang 50 porsiyento ng seating o venue capacity lamang sa mga lugar na nasa modified GCQ (MGCQ), habang ang mga gatherings para sa itinatakdang government services at tinatawag na authorized humanitarian activities ay pinapayagan sa lahat ng lugar sa ilalim ng ECQ, MECQ, GCQ, at MGCQ.


Ipinagbabawal naman ang religious gatherings sa ilalim ng ECQ, habang pinapayagan ito sa MECQ para sa 10 hanggang 30 porsiyento ng seating capacity, depende rin sa regulasyong ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.


Sa lugar na nasa GCQ, pinapayagan ito ng hanggang 30 hanggang 50 porsiyento habang sa MGCQ, pinapayagan ito ng hanggang 50 porsiyento ng seating capacity.


Ang mga necrological services o burol at libing ng namatay na hindi sa COVID-19 ay pinapayagan subalit limitado ito para sa mga miyembro ng pamilya sa lugar sa ilalim ng ECQ at MECQ, habang sa GCQ, pinapayagan ng 30 hanggang 50 percent capacity at sa MGCQ naman ay pinapayagan ng 50 percent ng venue capacity.


Ipinagbabawal pa rin sa mga lugar na nasa ECQ, MECQ at GCQ ang movie screenings, concerts, sporting events, entertainment activities, at work conferences, habang sa lugar na nasa MGCQ, pinapayagan ito ng hanggang 50 percent ng seating capacity subalit dapat na sumusunod sa ventilation standards.


Hinimok naman ni Año ang publiko na maghain ng kanilang reklamo laban sa mga tiwaling local officials sa DILG Regional Offices o sa DILG Emergency Operations Center at dilgeoc.complaint@gmail.com o tumawag sa (02) 8876-3454 local 881 to 884.


 
 

ni Lolet Abania | May 6, 2021




Makikipagpulong ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) at mga local government units (LGUs) kaugnay sa pagpapatupad ng bagong direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang sinuman na walang suot na anti-virus masks o face mask kapag nasa pampublikong lugar, ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya.


“We have to talk with the LGUs and the Philippine National Police about the presidential directive and we have to reconcile the presidential directive and the ordinances passed by the LGUs,” ani Malaya.


Dagdag pa niya, “I must emphasize that what is violated here are local ordinances that were issued by the local sanggunian. So we will take a look on how we can implement this directive of the president because this was just given to us last night,” sabi ni Malaya.


Giit ni Malaya, ang mga LGUs ay may iba’t ibang ipinatutupad na mga penalties laban sa sinumang lumabag sa kanilang ordinances lalo na sa pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.


Sa kasalukuyan, ayon kay Malaya, ang pag-aresto ay ginagawa sa mga violators ng ordinansa kung ang indibidwal ay pumalag o hindi sumunod sa mga awtoridad.


“But in light of the President’s pronouncements, we might need to do some recalibration and make necessary preparations because if we do some arrests, we will also need to prepare our detention cells because there might be a larger number of people detained than before,” ani Malaya.


Paliwanag pa ng DILG official, habang nakakulong ang violator sa mga detention cell, maaaring magdulot ito ng panganib sa kanilang kalusugan.


Gayunman, nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa LGUs at PNP upang bumuo ng guidelines upang masiguro ang kaligtasan ng mga kababayan at magkaroon ng tamang implementasyon sa bagong direktiba ng pangulo.


Gayundin, ayon kay Malaya, ang mabubuong guidelines ang magiging batayan para maiwasan ang posibleng pang-aabuso ng pulisya.


Matatandaang nitong Miyerkules ng gabi, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa mga opisyal ng pulis na ikulong at imbestigahan ang sinuman na walang suot na face mask at mga taong hindi tamang nagsusuot nito sa pampublikong lugar.


Ayon kay Pangulong Digong, ang mga face mask ay kinakailangan para matigil na ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page