top of page
Search

ni Lolet Abania | August 6, 2021



Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pondo para sa pag-rehire sa 15,000 contact tracers na tutulong sa gobyerno para tugunan ang COVID-19 response hanggang sa katapusan ng 2021, ayon kina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Senador Bong Go ngayong Biyernes.


Sa isang statement, sinabi ni Año na ang pag-apruba ni Pangulong Duterte sa naturang pondo ay makatutulong sa mga local government units (LGUs) para patuloy na maresolbahan ang mga kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang lokalidad.


“On behalf of our local government units (LGUs), lubos kaming nagpapasalamat kay Pangulong Duterte sa karagdagang pondo para magpatuloy ang serbisyo ng [15,000] contact tracers,” ani Año.


Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Go na ang mga kontrata ng karagdagang mga contact tracers ay nagsimula na noong Agosto 2.


Gayundin, ang gagastusin ng gobyerno sa pagkuha ng mga bagong contact tracers ay umabot sa tinatayang P1.7 bilyon.


“Our contact tracers play an important role in managing the pandemic and not squandering the chance for early preparation,” sabi ni Go.


Noong Hulyo 23, nagpadala ng liham si Año sa Pangulo na humihiling sa karagdagang P1.7-billion budget para mapalawig ang serbisyo ng mga contact tracers nang hanggang Disyembre 2021. Ang mga kontrata ng mga ito ay mag-e-expire ngayong buwan.


Ayon kay Año, sakaling ang serbisyo ng 15,000 contact tracers ay mag-expire, ang kabuuang bilang sa buong bansa ng mga contact tracing personnel ay mababawasan ng tinatayang 13%, kung saan ang magiging operational capacity na lamang nito ay 72% na taliwas sa ideyal na bilang nito.


Sa House hearing noong Miyerkules, binanggit naman ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang kakulangan sa pondo para sa contract renewal ng mga contact tracers ang “pangunahing isyu at malaking problema” na kinakaharap ng pamahalaan.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 5, 2021



Inirekomenda ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga business establishments na i-comply sa national government ang COVID-19 Safety Seal certification na magsisilbing katibayan na sumusunod sila sa minimum health protocols laban sa virus.

Ayon pa kay Belmonte, "We hope our businesses will take this as an opportunity to prove that they carry out the necessary measures to ensure the safety of their customers. And in turn, we expect that this will increase customer confidence and positively affect everyone's livelihood and our economy."

Dagdag nito, puwedeng mag-apply o kumuha ng Safety Seal certification sa lokal na pamahalaan at kapag nagawaran na ng certificate ang business owner ay puwede niya iyong i-display sa kanyang tindahan o kainan.

Nakasaad din sa Executive Order No. 13 Series of 2021 ang bawat mall, wet markets, retail stores, restaurants, fast food, coffee shops, karinderya, bangko, pawnshops, money changers, remittance centers, car washes at laundry service centers na hinihikayat na mag-apply ng Safety Seal certification. Kasama rin dito ang mga pasyalan katulad ng art galleries, libraries, museums, zoos, sports centers, gyms, spas, tutorial, testing at review centers, pati ang sinehan at gaming arcades.

Sa ngayon ay SM City North EDSA ang kauna-unahang shopping mall sa Quezon City na nag-display ng Safety Seal certification.

Ang pagdidikit nito ay pinangunahan ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.

Kasama rin sa launching ng Safety Seal certification sa SM North sina Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya at DTI Undersecretary Ireneo Vizmonte.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page