ni Lolet Abania | June 28, 2022
Umabot sa kabuuang 617,806 kuwalipikadong tricycle drivers sa buong bansa ang nakatakda ngayon na mabigyan ng kanilang fuel cash subsidy, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa isang pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año, sinabi nitong nasa 148,784 mula sa 766,590 tricycle drivers na nag-apply para sa fuel subsidy ang na-disqualified dahil sa kakulangan ng kailangang verification gaya ng driver’s license numbers, hindi kumpleto ang e-wallet information, o mga pangalan na isinumite lang matapos ang deadline.
“Lahat ng nasa masterlist ng qualified tricycle drivers ay makakatanggap ng fuel subsidy. Hintayin na lang po natin ang abiso ng LTFRB para sa mga detalye at karagdagang impormasyon,” sabi ni Año.
Una nang nag-isyu ang DILG ng Memorandum Circular 2022-047, na nag-uutos sa local government units (LGUs) para mag-submit ng validated list ng mga tricycle drivers; tricycle franchisees; addresses; electronic wallet accounts; at ang bilang ng mga operating tricycles at iba pang detalye sa loob ng kani-kanilang hurisdiksyon.
Ang mga naturang mga detalye ay dapat suriin naman ng head ng Tricycle Franchising Board at ng head ng lokal na Tricycle Operators and Drivers Association.