ni Lolet Abania | May 5, 2021
Hiniling ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na isagawa sa mas maagang petsa ang nursing licensure exams upang matugunan ang pangangailangan sa health workforce sa gitna ng pandemya.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nagkaroon na ng pag-uusap ang ahensiya at Philippine Nursing Association at Professional Regulation Commission para baguhin ang nursing exams na mula Nobyembre ay gawin itong Hunyo ngayong taon.
“Inire-request natin at inire-request ng IATF, baka puwede nang gawin ng June, so that by July, may mga fresh graduates and freshly licensed nurses na tayo na puwede na rin nating makasama dito sa ginagawa nating response,” ani Vergeire sa online briefing.
Matatandaang sinabi ng DOH na mayroong pondo para mag-hire ng maraming health workers subalit ang mga aplikante ay nananatiling mababa.
Noong nakaraang buwan, mahigit 100 health workers mula sa ibang rehiyon ang itinalaga sa Metro Manila kasabay ng pagsirit ng COVID-19 cases at mga pasyente na na-admit sa mga ospital.