ni Jasmin Joy Evangelista | August 29, 2021
Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19, nag-o-operate na umano nang lagpas sa 100% ang mga emergency room sa ilang ospital sa bansa, ayon sa Philippine College of Physicians (PCP).
Sa isang interbyu kay PCP President Dr. Maricar Limpin, sinabi niya na nasa 130% hanggang 150% na ang operasyon ng ER ng ilang ospital.
"Hindi na kami masyadong nagulat. Ang ospital ngayon, puno na [ang] emergency room. Hindi lang 100%, mahigit sa 100%," ani Limpin. Bukod sa mga punong ER, ang ibang ospital ay nauubusan na rin daw ng medical supplies at mechanical ventilators.
Ang ilang ospital umano sa Cebu City ay namimili na lamang ng mga pasyenteng bibigyan ng ventilator dahil sa kakulangan ng supply.
"Sa Cebu, kailangang mag-decide sila kung sino nangangailangan sa ventilators. Kailangan mamili kung sino mataas mag-survive versus sa hindi masyadong mataas ang chance mag-survive," dagdag pa niya.
Samantala, nasa 55% na ng mechanical ventilators sa bansa ang ginagamit, batay sa datos ng DOH kahapon.