ni Jasmin Joy Evangelista | August 31, 2021
Naniniwala ang isang eksperto na posibleng marami na ring kaso ng Delta variant sa ibang panig ng bansa at hindi lang sa National Capital Region (NCR) at Calabarzon dahil sa patuloy na pagdami ng mga nade-detect na samples nito.
Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nakitaan nito ng posibleng community transmission ng Delta variant ang NCR at Calabarzon.
Ngunit, maaaring kumakalat na umano ang variant sa buong bansa dahil na rin sa nakikitang hawahan ng magkakapamilya o magkakasama sa tahanan, ayon sa infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante.
"The secondary attack of households sa Delta is really high compared to the non-household attack... Ang hinala ko rito, Delta is already nationwide," ani Solante.
Sa 748 samples na isinailalim sa sequencing ng Philippine Genome Center, lumalabas na 516 ang Delta variant para sa kabuuang 1,789.
Lumalabas na halos 7 sa bawat 10 samples ng mga taong na-sequence ay Delta variant ang dahilan ng pagkakasakit.
Isa sa mga nakikitang dahilan kung bakit marami pa ring nagpopositibo ay itinatago ng iba ang kanilang nararamdaman at ang iba naman ay magpapakonsulta lang kapag malala na ang sintomas.
Dahil dito, ipinayo ng mga doktor ang "health-seeking behavior" para oras na makaramdam ng sintomas, maabisuhan na sa mga dapat gawin.
Ayon naman kay Solante, mahalagang pataasin ang bilang ng nate-test para sa COVID-19 ngunit iniiwasan ng ilan dahil sa kaakibat na gastos.
"If they will offer the [COVID-19] test for free, I think that will be very important. Malaking bagay kung maibibigay ng gobyerno nang libre ang test," ani Solante.