ni Lolet Abania | May 2, 2022
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa.
Sa isang media briefing ngayong Lunes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergerie na ang pagtaas ng mga dengue cases ay nai-record sa Regions 2, 3, 7, 9, at CAR.
“When we say pagtaas, we compare the number of cases today with the previous time period, the same time period last year. Para masabi natin if they are going or nearing the epidemic threshold na tinatawag,” paliwanag ni Vergerie.
“Sa ngayon mino-monitor natin closely ang mga areas na ito. Nakapagbigay na tayo ng assistance and guidance to these areas,” dagdag ng opisyal.
Noong nakalipas na buwan, idineklara ang dengue outbreak sa Zamboanga City, kung saan ang mga kaso ay umabot sa 893, kabilang dito ang 11 nasawi, sa panahon ng Enero 1 hanggang Abril 2. Hanggang nitong Abril 16, nakapag-record ang Zamboanga City ng 1,135 cases na may 14 na namatay.
Ayon kay Vergeire, para mapigilan ang posibleng epidemya ng dengue, kailangan aniyang i-activate ang mga dengue fast lanes at magbigay ng logistical assistance para sa mga apektadong lugar.
Paalala rin sa publiko ng opisyal na iobserba ang “four-S” para mapigilan ang mga dengue cases gaya ng search and destroy mosquito-breeding sites, seek early consultations, self-protection measures, at support spraying/fogging.
“So, we do the four-S – kailangan po natin maglinis ng ating mga paligid, ating likuran. Linisin po natin ang lahat ng nakakaipon ng tubig, lahat po ng mga kuyagot. Let’s do the four S every 4 pm,” giit ni Vergeire.
“We advised all local governments also to activate and mobilize their dengue brigades. Para po mapigilan natin ang further na pagkalat at pagtaas ng sakit na ito,” sabi pa niya.