ni Mary Gutierrez Almirañez | May 29, 2021
Ipinaaayos ng Philippine Medical Association (PMA) ang schedule ng vaccination rollout sa lahat ng vaccination center upang maiwasan ang pagdagsa at pagsisiksikan sa mahabang pila, ayon sa pahayag ni PMA President Dr. Benito Atienza ngayong araw, May 29.
Aniya, “So far, marami pang kailangang ayusin. Ang kailangan pa nating ayusin ay ang timing ng pagbabakuna, iyong oras ng pagpunta nila roon para hindi masyadong mahaba ang pila.”
Ginawa rin niyang halimbawa ang isang vaccination center sa Quezon City, kung saan kulang ang mga staff na magbabakuna.
Sabi pa niya, “Ang kailangan lang, eh, coordination para siguradong may magbabakuna kasi nand’yan na ang bakuna at dapat ‘di masayang ang bakuna kasi ‘yung iba d’yan ay mag-e-expire.”
Sa ngayon ay 4,495,375 indibidwal na ang mga nabakunahan laban sa virus.
Samantala, 7,443 ang nagpositibo sa COVID-19 ngayong araw.
Tinataya namang 7,533 ang mga gumaling at 156 ang pumanaw, batay sa huling tala ng Department of Health (DOH).
Ayon pa kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, anim na rehiyon ang iniulat na nasa high-risk level ang intensive care unit (ICU) dahil sa mataas na kaso ng COVID-19. Kabilang dito ang Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley, Caraga, Central Luzon at Calabarzon na nasa 71%, at ang Zamboanga Peninsula na nasa 79% ang ICU utilization rate.
"Bagama't bumababa ang kaso rito sa NCR Plus natin na bubble, nakikita natin naman po ang pagtaas ng mga kaso rito po sa ilang bahagi ng ating bansa, pati na rin po ang paggamit ng kanilang mga ICU beds," sabi pa ni Vergeire.