ni Lolet Abania | June 2, 2022
Nasa tinatayang 200 kaso ng tuberculosis (TB) ang nai-record ng mga health officials sa lalawigan ng South Cotabato.
Ayon kay John Codilla ng integrated health office ng probinsiya, ang mga kasong ito ay na-detect matapos na magsagawa sila ng active case finding sa lugar.
“Ang direction kasi ng Department of Health is hanapin lahat ‘yung ating mga pasyenteng nagkaroon po ng tuberculosis,” ani Codilla.
“So sa first quarter po ‘yan. ‘Yung 200 po na nai-declare or nai-report po natin nu’ng, ngayong buwan lang po ‘yan, ay gawa po ng ating active case finding o pagbibigay po ng mga libreng x-ray doon sa ating mga geographically isolated and depressed areas,” sabi ni Codilla.
Sa ngayon aniya, nagbibigay sila ng libreng gamut sa mga bagong natukoy na tuberculosis patients.
“Libre po ‘yan na binibigay. ‘Yung lahat po ng ating munisipyo ay meron ng TB-DOTS facility, na may kakayahan din po na mag-detect ng iba’t ibang klaseng tuberculosis, hindi lang po doon sa baga kundi sa iba-ibang bahagi rin po ng kanilang mga katawan,”
pahayag ng opisyal.
Gayunman, sinabi ni Codilla na nahaharap sila sa problema kaugnay sa supply ng ilang mga medisina.
Ayon kay ni Codilla, may pondo ang provincial government para bumili ng mga gamot, subalit kailangan nila ng tulong ng national government para makuha ang mga ito ng probinsiya.
“Isa din natin hinihingi ‘no sa Department of Health sa central office, na kung pwede din natin matulungan din kami sa pagbaba din po ng supply galing diyan po sa Maynila,” paliwanag pa niya.