top of page
Search

ni Lolet Abania | May 26, 2022



Inanunsiyo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Huwebes na si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang magiging chief ng Department of Finance (DOF) sa ilalim ng kanyang administrasyon.


Sa isang press conference matapos ang kanyang proklamasyon, sinabi rin ni Marcos na papalitan ni Felipe Medalla bilang BSP governor si Diokno.


Naging BSP governor si Diokno noong Marso 2019, ang iniwang posisyon ni yumaong dating BSP Governor Nestor Espenilla Jr. na namatay dahil sa cancer. Dahil sa appointment niya bilang DOF secretary, umiksi ang termino ni Diokno bilang BSP governor na nakatakda sanang magtapos sa Hulyo 2023.


“It is an honor to serve the Filipino people in my current and any future capacity. I am grateful and humbled by the President-elect to help his administration manage the country’s fiscal affairs,” sabi ni Diokno sa isang statement.


“As Finance Secretary, I will strive to continue prudently and carefully balancing the need to support economic growth, on one hand, and to maintain fiscal discipline, on the other,” dagdag niya.


Bago pa ang pagtatalaga sa BSP sa ilalim ng Duterte administration, nagsilbi si Diokno sa kanyang ikalawang termino bilang secretary ng Department of Budget and Management (DBM). Unang nagsilbi si Diokno bilang DBM secretary sa ilalim ng Estrada administration, gayundin, naging DBM undersecretary mula 1986 hanggang 1991 sa ilalim ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino.


Samantala, si Medalla ay dati nang miyembro ng Monetary Board simula Hulyo 2011. Una siyang na-appoint dito ni yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III, habang nagsilbi sa kanyang ikalawang termino sa Duterte administration noong Hulyo 2017.


Naglingkod din si Medalla bilang secretary ng Socio-Economic Planning at director-general ng National Economic and Development Authority (NEDA) mula 1998 hanggang 2001 sa administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada. Wala pang tugon si Medalla hinggil sa kanyang appointment sa ngayon.


 
 

ni Lolet Abania | June 15, 2021




Nasa P25 bilyon ang kailangang pondo para sa pagbabakuna kontra-COVID-19 ng mga menor-de-edad na nasa 12-anyos at pataas, ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III sa isang Senate hearing.


Sinabi ni Dominguez sa mga senador na tinitingnan na ng pamahalaan ang gagawing mass immunization campaign at inisyal pa lamang ang budget na kanyang ipinakita habang aniya, “the number depends on the vaccine that is recommended for children.”


“It is just an estimate at this point in time because the health authorities might have another vaccine. This is a developing situation,” ani Dominguez.


Sa televised briefing naman kagabi, tiniyak ni Dominguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na may “sapat na reserba” ang gobyerno para sa pagbabakuna ng mga adolescents.


“The money is there and we will certainly be able to vaccinate the entire adult population plus the teenagers who are I think around 15 million, right? So total 85 million Filipinos,” sabi ni Dominguez.


Una nang sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. na ang pagbabakuna sa mga bata kontra-COVID-19 ay maaaring simulan sa ika-4 na quarter ng 2021 dahil sa inaasahang pagdating ng maraming vaccines na epektibo sa mga menor-de-edad. Matatandaang pinalawak din ng pamahalaan ang emergency use authorization (EUA) para sa Pfizer doses ng COVID-19 vaccine upang magamit ng indibidwal na nasa edad 12 at pataas.


 
 

ni Lolet Abania | May 13, 2021




Tinatayang P20 billion ang kinakailangang pondo ng pamahalaan upang makapagpabakuna ang nasa populasyon ng mga kabataan sa bansa kontra-COVID-19, ayon kay Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III.


“About P20 billion for approximately 15 million teenagers,” ani Dominguez sa isang text message ngayong Huwebes.


Ito ang naging tantiya ni Dominguez matapos maiulat na pinayagan ng US regulators ang Pfizer at BioNTech’s COVID-19 vaccine na gamitin sa mga kabataan na nasa edad 12.


Naghain na rin ang Pfizer para naman sa British approval sa paggamit ng COVID-19 vaccine na nasa 12-anyos hanggang 15-anyos kung saan isinumite nila ang kanilang datos sa health regulator ng nasabing bansa.


Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act, naglalaan ang gobyerno ng Pilipinas ng P82.5 billion para sa mass vaccination program na layong matugunan ang tinatayang 55% ng populasyon ng bansa.


Para sa anti-COVID vaccination program, target ng pamahalaan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino, subalit ang age bracket nito ay 18-anyos at pataas. Ang mga adolescents at mga bata ay hindi nakasama rito dahil ang available na COVID-19 vaccines pa lang ay para sa edad 18 pataas at wala pang kabataan na napabilang sa ginawang clinical trials sa bakuna.


“On top of the P20 billion estimated for teenagers’ vaccination, around P55 billion is also needed to purchase booster shots, likely for next year,” ani Dominguez.


Matatandaang noong Abril, sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr., na kinokonsidera na ng pamahalaan ang pagkuha ng booster shots ng Moderna kontra-COVID-19.


“We found out that Moderna is developing a booster. ‘Yung booster na ‘yun, puwedeng gamitin kahit na Sinovac o kahit na Gamaleya ang ating nauna,” ani Galvez noon sa isang congressional hearing.


Sa tanong kung paano mabubuo ng gobyerno ang pondong kailangan para sa COVID-19 vaccines sa mga kabataan, ani Dominguez, “It is still to be determined.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page