top of page
Search

ni Lolet Abania | February 18, 2022



Nagbitiw na sa posisyon si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, ayon sa Malacañang ngayong Biyernes.


Si Cimatu, na siyang nangasiwa sa pagsasaayos ng Manila Bay at Boracay island, ay nagsabing health reasons sa kanyang resignation letter na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea.


Wala nang iba pang detalyeng ibinigay tungkol dito.


Nagsilbi si Cimatu bilang chief of staff ng military noong 2002 at kalaunan ay naging special envoy para sa mga OFW at refugees. Noong 2017, napasama siya sa gabinete ni Pangulong Duterte.


Pinamunuan naman ni Cimatu ang 6-buwan na rehabilitasyon ng Boracay noong 2018 at ang cleanup drive ng Manila Bay ng sumunod na taon, kabilang na ang kontrobersyal na beach na gawa sa crushed dolomite.


Ang pinakahuling nagawa ni Cimatu ay nang ma-lift noong Disyembre ng nakaraang taon ang pagbabawal sa buong bansa hinggil sa open-pit mining, kung saan ang kanyang hinalinhan ay ang yumaong Gina Lopez, na ipinatupad noong 2017.



 
 

ni Lolet Abania | August 27, 2021



Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang multimillion-peso project na crushed dolomite na inilagay sa bahagi ng Manila Bay, kung saan aniya ang naging resulta nito ay maganda.


“Dolomite is beautiful to the eyes, period. ‘Wag ka na magtanong kasi hindi naman ninyo kaya kung kayo,” ani Pangulong Duterte nitong Huwebes nang gabi sa kanyang ikalawang public address ngayong linggo.


“You had your chance, actually. For so many years, you had every chance to do it. Was there anybody willing to take the problem by its horns? Si Cimatu lang (Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu),” dagdag ng Pangulo.


Bilang bahagi ng P389-milyon Manila Bay rehabilitation program, sinimulan ng DENR noong nakaraang taon ang paglalagay ng tone-toneladang white sand — na gawa sa crushed dolomite boulders na ipinadala sa lugar na galing sa probinsiya ng Cebu — sa maliit na bahagi sa kahabaan ng bay’s shoreline.


Si Cimatu na ipinrisinta ang natapos na proyekto ng DENR sa isang televised briefing ay nagsabing kaya ng dolomite sand na mapigilan ang maaaring coastal erosion, ma-filter ang tubig nito at madagdagan ang beach width ng Manila Bay.


“It is considered a beach nourishment kasi malaking bagay ang nagagawa niya diyan. Nililinis niya ‘yung… na-prevent niya rin ang erosion at saka, ‘yung mga luwag ng beach ay napaluwagan nito,” ani Cimatu.


Nauna na ring sinabi ng DENR na ang beach project ay mag-eengganyo sa mga tao na huwag magkalat sa paligid nito.


Gayunman, umani ito ng mga kritisismo mula sa iba’t ibang sektor gaya ng environmental at fishing groups na tinawag nilang isang “cover-up” sa tunay na problema sa polusyon ng nasabing bay.


Matatandaang tinangay din ang artificial white sand ng malakas na buhos ng ulan na tumama sa nasabing lungsod. Gayundin, nang magkaroon ng bagyo, matapos nito ay napuno ng tone-toneladang basura ang paligid ng Manila Bay.


Isang grupo naman ng mga scientists ang nagpahayag na ang gobyerno ay “literal na nagtapon ng pera sa dagat” dahil anila, ang pondo para rito ay maaari pa sanang magamit sa pagpapabuti ng mga hospital facilities, vaccine procurement, at financial assistance sa panahon ng pandemya para sa mga Pilipino.


 
 

ni Lolet Abania | July 14, 2021


Umabot sa 355 ilegal na dumpsites sa bansa ang naipasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).


Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, ito ay tinatawag na mga open dumpsites, kung saan ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ang naging basehan ng order para maipasara ang mga ilegal na tapunan ng basura.


“Three hundred thirty-five po ang huling napasara. Twenty years na po ang batas na [Republic Act] 9003, pero ngayon lang po natupad ang ipinag-uutos ng batas na ipasara ang open dumpsites,” ani Antiporda sa Laging Handa public briefing ngayong Miyerkules.


Sa ngayon aniya ay nakatuon ang DENR sa maayos na pagsasara at rehabilitasyon ng mga dumpsites. Pinayunahan naman ni Antiporda ang mga local governments units (LGUs) na apektado ng closure ng mga dumpsites na magtatag ng isang residual containment area para sa mga basura habang nagsasagawa ang ahensiya ng isang sanitary landfill.


Nagbabala rin ang kalihim sa mga LGUs laban sa pagbabaon ng kanilang mga basura sa mga naturang lugar dahil sa kinokonsidera pa rin itong open dumpsite at sadyang mapanganib. “Better shape up bago tayo abutan ng batas,” sabi ni Antiporda.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page