ni Jeff Tumbado | September 2, 2021
Matutugunan na ang matagal nang minimithi ng mga residente ng Occidental Mindoro na mabigyan ng sapat na suplay ng kuryente partikular sa mga kasuluk-sulukang lugar ng lalawigan.
Ito ay makaraang aprubahan ng Department of Energy (DOE) ang 29 megawatts power supply sa lugar, ayon na rin sa kahilingan ni Representative Josephine "Nene" Ramirez-Sato.
Tiniyak ni Sato ang sapat at supisyenteng suplay ng elektrisidad sa lalawigan alinsunod na rin sa binitawang pangako ng national government na tulungan ang mga lugar na may kakulangan sa power supply.
“Magandang balita po ang ating dala para sa ating mga kababayang naninirahan sa Occidental Mindoro dahil sa mga susunod na buwan po ay magkakaroon na ang ating probinsiya ng mas reliable na supply ng kuryente. Ito po ay katuparan ng lahat ng ating pagsisikap at pakikipag-usap sa pamahalaan para siguruhin na magiging maayos ang supply ng kuryente sa ating lalawigan,” pahayag ni Sato.
Batay sa pakikipag-usap nito kay Energy Secretary Alfonso Cusi, kanyang ipinangako ang tulong para sa pagkakaroon ng matatag na suplay ng kuryente.
Suportado rin aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga programa ng Occidental Mindoro ukol sa masaganang suplay ng elektrisidad.
Samantala, inaasahan naman na makukumpleto ang konstruksiyon ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corp. (OMCPC) sa kanilang 20-MW diesel power plant sa susunod na buwan ng Oktubre.
Gayundin ang Omeco na nagbukas ng bagong 5MW generator set ng OMCPC kasabay sa 4MW genset ng National Power Corporation na parehong nakatayo sa Tayamaan, Mamburao ay matagumpay na nakapagbigay-elektrisidad sa mga konsumer doon.
Nabatid na ang 29MW power supply mula sa planta ng OMCPC at generator set ng NPC ay tama lamang para sa pangangailangan at mahinto ang nakagawiang "patay-sinding suplay" na labis nakaapekto sa mga sambahayan.