ni Jasmin Joy Evangelista | December 28, 2021
Nasa mahigit 2 milyong residente pa rin sa Visayas at Mindanao ang walang kuryente 11 araw matapos manalasa ang bagyong Odette, batay sa datos ng National Electrification Administration.
Hanggang ngayon ay limitado pa lamang ang mga lugar na may kuryente sa Cebu at Bohol.
Ayon sa Visayan Electric Company (VECO), ibabalik nila ang 80 percent ng suplay sa buong franchise area sa January 10, 2022.
85% naman ng nasirang transmission line ang nakumpuni na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Pero kahit matapos nila ang pag-aayos bago matapos ang taon, problema pa rin ang koneksiyon naman ng mga residente sa kooperatiba o utility dahil marami ring posteng natumba.
Ayon sa Department of Energy, sinubukang gamitin ang diesel powered plant sa Bohol noong Disyembre 23 pero pumalya ito.
"We will try again sa Dec. 31 kasi nasunog 'yung switch gear ng power plant, sana maayos na," paliwanag ni DOE Undersecretary Wimpy Fuentebella.