ni Lolet Abania | March 31, 2022
Ipinahayag ng isang opisyal ng Department of Energy (DOE) na kinakikitaan na ng indikasyon na posibleng bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay Rino Abad, director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, ang presyo ng langis ay bumaba sa nakaraang tatlong araw na kalakalan o three trading days.
“Bumababa po ang price. I hope na matuloy ngayong araw hanggang bukas ang pagbaba o ma-maintain ang pagbaba para po masigurado natin na may rollback next week,” sabi ni Abad.
“Hindi muna ako magsasabi ng figure pero malaki ang indikasyon na talagang may rollback as far as three trading days are concerned,” saad pa ng opisyal.
Sinabi naman ni Abad na ang presyo ng langis ay nananatili pa ring pabagu-bago.
Paliwanag ng opisyal, ang nagaganap na peace talks sa pagitan ng Russia at Ukraine ay sadyang nakaimpluwensya kaugnay sa oil trading ngayong linggo.
Gayunman, ayon kay Abad, may reports na ang peace talks sa pagitan ng dalawang bansa ay pinipigilan at maaaring makaapekto ito sa tsansa ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Nitong Martes, nagpatupad ang mga lokal na kumpanya ng langis ng isa pang bigtime price hike sa mga petroleum products, kung saan umabot na sa 12 mula sa 13 linggo na pagtataas ng presyo nito ngayong taon.