top of page
Search

ni Lolet Abania | June 18, 2022



Pinutol pansamantala ng Manila Electric Company (Meralco) ang suplay ng kuryente sa mahigit isang milyong customers nito ngayong Sabado, habang ang Luzon power grid ay inilagay sa red alert.


Sa isang advisory, ayon sa Department of Energy (DOE), alas-2:45 ng hapon ay isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon grid sa red alert, na ang ibig sabihin ay nakaranas ng kakulangan sa power supply na maaaring humantong sa pagkakaroon ng power interruptions dahil sa tinatawag na “generation deficiency.”


Ito ang nag-trigger ayon sa DOE, para makaranas ng power interruption sa mga franchise areas ng Meralco at iba pang distribution utilities sa Luzon.


Sa hiwalay na advisory, sinabi ng Meralco na nagpatupad sila ng automatic load dropping (ALD), isang safety procedure kung saan ang kuryente o power ay kanilang pinutol sa mga certain areas dahil sa napakababang suplay nito nang mas maaga pa ng alas-1:53 ng hapon.


“This was due to the decrease of an approximate 1,200 megawatts in Meralco’s load affecting around 1.6 million customers in portions of Caloocan, Valenzuela, Malabon, Manila, Makati, Muntinlupa, Las Piñas, in Metro Manila; as well as parts of Bulacan, Rizal, Laguna and Cavite,” saad ng Meralco. Gayunman sinabi ng Meralco, “the power was fully restored by 2:11 p.m.”


Ayon naman sa DOE, “a report by the NGCP stated that the Hermosa-BCCP 230 kilovolt lines 1 and 2 tripped and isolated the Bataan Plants, resulting in ALD at Meralco and NGCP feeders at 1:53 p.m.” Ani pa ng ahensiya na ang mga apektadong ALD feeders mula sa Meralco at ang NGCP ay nai-restore ng alas-2:11 ng hapon at alas-2:30 ng hapon, ayon sa pagkakasunod.


“This prompted the DOE to instruct the NGCP to immediately resolve the transmission line issues, submit to the DOE the list of affected customers that experienced power interruption, and explain the details of the incident,” pahayag ng DOE.


“The DOE has also initiated its coordination with the Energy Regulatory Commission in addressing this matter,” dagdag ng ahensiya.


 
 

ni Zel Fernandez | May 14, 2022



Sa pagpasok ng bagong administrasyon, naniniwala ang Department of Energy na mas lalakas pa umano ang pagsasabuhay ng nuclear energy sa bansa, makaraang mailatag nang maayos ng Duterte administration ang planong paliwigin ang paggamit nito sa Pilipinas.


Sa pahayag ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza, Jr. sa naganap na Laging Handa briefing, inaasahan umano ng ahensiya na tututukan ng susunod na mamumuno sa bansa ang paggamit ng alternative energy sources, kabilang na ang nuclear energy.


Aniya, naging maganda ang paglalatag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa balangkas ng nuclear energy at paniniyak ni Erquiza, magiging maganda pa ang tatahakin ng naturang inisyatibo sa nalalapit na pamamahala ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa anim na taong termino nito.


Gayundin, tiniyak ni Erquiza na pasok umano ang tinatawag na constant factors standards ng energy plan sa bansa batay sa security, reliability, at sustainability, maging ang affordability aniya nito.


Giit ni Erquiza, kaakibat din nito ang pagsunod sa global direction na clean energy at decarbonization.


 
 

ni Zel Fernandez | April 23, 2022



Mapapaaray na naman ang mga motorista sa posibleng panibagong taas-presyo ng gasolina na nakaambang mangyari sa susunod na linggo, batay sa ulat ng Department of Energy (DOE).


Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau (OIMB) Director Rino Abad ngayong Sabado, Abril 23, “ang kadalasan po na adjustment natin on a weekly basis ay sa umaga po ng Tuesday. So, mangyari ito next week, sa umaga ng Tuesday”.


Bagaman, hindi tinukoy ni Director Abad ang presyo na idaragdag sa singil sa mga produktong petrolyo dahil maaari umano nitong maapektuhan ang mga oil companies, na hindi pa nagbibigay ng kanilang pabatid sa kung magkanong halaga ang ipapatong sa kasalukuyang halaga ng gasolina, iniiwasan din aniya ng DOE na magbanggit ng presyo na posibleng gayahin lamang ng ibang kumpanya ng langis.


“May increasing po tayong ine-expect, pero hindi ko po masabi kung ilang mga amount kasi ayaw po sana natin maimpluwensiyahan ang mga oil companies which will actually provide the notification, usually on Monday. So, upon receipt po nu’ng notification nila, du’n lang po kami pwedeng makapagsabi para hindi po lumabas na nauuna tayo sa pagsasabi ng amount at baka kopyahin na lang po ng mga oil company ‘yung sinabi natin”, paliwanag ng tagapangasiwa.


Ayon kay Abad, isa pa rin sa pangunahing sanhi ng patuloy na pagtaas ng presyo sa bansa ay ang hindi maayos na relasyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, na noong magkaroon din ng pahiwatig ng inaasahang peace talks ay naging daan upang bumaba ang halaga ng langis. Ngunit, nang maudlot ito ay muli ring nagdulot ng pagmamahal ng gasolina.


Dagdag pa rito, ang muling pagpapatupad umano ng lockdown sa Shanghai dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 ay naging sanhi rin ng dagdag-singil sa petrolyo dahil nakikita ng merkado na magiging agresibo na naman umano ang China, kasabay ng mas mataas na demand sa produktong langis.


Pahayag pa ni Abad, isa pang anunsiyo na bahagyang nagdulot ng pangamba sa world market ay ang planong pinag-uusapan ng European Union (EU) na posible na aniyang i-ban ang Russian export ng langis at gasolina dahil ito raw ang pinanggagalingan ng perang ginagamit na panggastos sa military action.


Tugon naman ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), ang mawawalang Russian oil na aabot sa tinatayang 5 milyong barrel exports kada araw sa merkado ay hindi nito kayang punuan kaya hindi talaga umano maiiwasan ang pabago-bagong singil sa petrolyo sa kasalukuyang sitwasyon sa buong mundo.







 
 
RECOMMENDED
bottom of page