ni Lolet Abania | March 6, 2021
Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang ilang mga magulang na diumano'y nagbabayad ng tao upang sagutan ang mga learning modules ng kanilang mga anak.
“Iyon naman po ay pinapatingnan natin sa ating mga kasama at magpapa-validate tayo ng mga naiulat,” ani DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.
Aniya, ang mga magulang na masasangkot sa ganitong gawain ay kanilang isa-sanction.
“Ang maliwanag po simula’t simula, binigyang-diin din natin na hindi puwedeng gawin ito kasi hindi ito makakatulong sa pagtuturo ng honesty, pagiging honest ng mga kabataang Pilipino kung ang mga magulang mismo ang mamimili o ang tutulong sa pagbibigay ng sagot,” saad ni San Antonio.
“Kapag napatunayan pagkatapos ng mahabang proseso ay mabibigyan ng angkop na kaparusahan,” dagdag niya. Ito ang tiniyak ni San Antonio matapos na ibunyag ni Senador Sherwin Gatchalian ang diumano’y nangyayari sa distance learning sa isang Senate inquiry noong Miyerkules, kung saan tinatalakay ang education system ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Si Gatchalian ang chairperson ng Senate committee on basic education. Samantala, ipinaliwanag ni San Antonio ang tungkol sa naging report ng ahensiya na 99% sa higit 14 milyong estudyante ang nakakuha ng passing grades sa ilalim ng distance learning sa First Quarter ng school year 2020-2021.
“Iyon po kasing 99% na pumasa, hindi naman naliwanag namin na pati iyong markang 75 ay considered pasado na,” sabi ni San Antonio. Gayunman, ikinagulat ito ng ilang senador subalit ipinaliwanag ni San Antonio na ito ay bilang konsiderasyon na rin ng mga guro sa mga estudyante.
“Ang gusto kong mabigyang-diin ay puwede po talaga na naging mas considerate ang mga kasamang guro natin pero po may naiwan pa ring 1% na parang hindi naman nakipag-coordinate, nakipag-cooperate sa kanilang mga teachers,” dagdag niya.
Matatandaang binanggit na rin ng ahensiya na 14.5 milyong estudyante ang nakakuha ng passing grades habang mahigit sa 126,000 ang nakakuha naman ng failing marks.