ni Lolet Abania | June 13, 2022
Umapela ang nasa dalawang grupo ng mga guro ngayong Lunes sa Department of Education (DepEd) kaugnay sa latest order ng ahensiya sa remedial classes, na mag-grant ng karagdagang kompensasyon o service credits sa mga titser na makikilahok sa naturang mga klase.
Kamakailan, inisyu ng DepEd ang Order No. 13, patungkol sa pagtatakda ng mga guidelines sa pagsasagawa ng remedial at enrichment classes kasunod ng School Year 2021-2022, na magtatapos na sa Hunyo 24.
Batay sa order, ang mga Grade 1 hanggang 11 students na makakakuha ng grade na papalo sa mula 75 hanggang 79 ay mag-a-attend ng enrichment classes habang iyong mga bumagsak ng dalawang subjects ay papasok sa remedial classes.
Ang remedial at enrichment classes ay nakatakdang isagawa sa panahon ng school break o bakasyon mula Hulyo hanggang Agosto, kung saan umani naman ng pagkadismaya sa mga guro na nagsasabing ang naturang panahon ay dapat na nakalaan sa kanilang pahinga.
“This policy should be clarified because we expect teachers to enjoy a two-month vacation between the closing and opening of school years. We have the right under the law,” pahayag ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) National Chairperson Benjo Basas sa isang statement.
Ayon kay Basas, ang iba’t ibang requirements, kabilang na ang online activities, physical reporting sa mga paaralan, virtual at physical classes at clerical tasks ay nagdulot sa mga guro ng sobra nang pagkapagod. “Itong bakasyon na lang ang inaasahan sana ng mga guro [para makapagpahinga] pero mukhang pati ito ay kukunin pa sa amin,” sabi ni Basas.
Sa isang hiwalay na statement, sinabi ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Secretary General Raymond Basilio, “depriving teachers of the much-needed rest between school years takes a heavy toll not only on their health and capacities but to the over-all delivery of quality education.”
Binanggit ni Basilio, na ang latest DepEd order ay hindi nagpapahayag kung ang mga guro na magpa-facilitate sa remedial classes ay makatatanggap ng compensation o service credits.
“The least the government can do is to justly compensate teachers who are going the extra mile to help our learners,” saad ni Basilio. Sinabi naman ni Basas, nais ng TDC na magkaroon ng dialogue mula kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, na siyang lumagda ng order, o kay outgoing DepEd Secretary Leonor Briones.
“We won’t refuse work especially if it is for children. But DepEd should also consider the welfare of teachers. And if there would be an exigency of service, the ready justification for extended work, then the provision of the law for overtime pay should also be observed,” ani Basas. Sa ngayon, wala pang ibinigay na komento o tugon si Malaluan kaugnay sa naturang usapin.