ni Lolet Abania | July 5, 2022
Pinag-iisipan na ng Department of Education (DepEd) na simulan ang face-to-face classes sa ilang mga paaralan sa Setyembre bago magsagawa ng 100% in-person schooling sa Nobyembre, ayon kay Pangulong Marcos Jr. ngayong Martes.
Ito ang inanunsiyo ni Pangulong Marcos matapos ang unang Cabinet meeting sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“There are some things immediately accessible we can start doing something about it already,” pahayag ni Pangulong Marcos sa isang news briefing matapos ang Cabinet meeting.
“The first thing that is an example of that is Inday Sara’s announcement that we have a plan for full face-to-face by November of this year,” dagdag ng Pangulo, na ang tinutukoy niya ay si Vice President Sara Duterte na DepEd secretary.
Ayon sa Pangulo, ang vaccination laban sa COVID-19 at iba pang mga isyu ang kanilang mauunang tatalakayin para sa planong face-to-face classes sa lahat ng elementary at high schools.
Sinabi na ng DepEd na nasa 38,000 paaralan ang handa na para sa face-to-face classes kapag ang School Year 2022–2023 ay nagsimula sa Agosto.