ni Angela Fernando - Trainee @News | March 19, 2024

Tuloy pa rin sa serbisyo sa isang pampublikong paaralan ang viral na titser na nakilala sa social media matapos niyang pagalitan ang kanyang mga estudyante nang live sa TikTok habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa kanyang ginawa, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Martes.
Sinabi ni DepEd Assistant Sec. Francis Bringas na hindi pa nila tinatanong ang pinuno ng paaralan kung ang titser ay patuloy pa ring nagtuturo, ngunit nilinaw nilang walang rason upang pigilan ito sa serbisyo dahil wala pang parusa ang ibinababa para sa nangyari.
“Wala naman tayong mga sanctions na ganyan until such time na meron tayong procedures na ipa-follow,” saad ni Bringas.
Matatandaan naglabas ng show cause order ang DepEd nu'ng Lunes laban sa hindi pa nakikilalang titser.
Binigyan ng nasabing ahensya sa National Capital Region ng 72 oras ang titser upang magsumite ng paliwanag hinggil sa isyu.