ni Lolet Abania | August 26, 2021
Ipinahayag ng Alliance of Health Workers (AHW) na binibigyan na lamang nila ng hanggang Biyernes, Agosto 27, ang gobyerno para i-release ang kanilang mga benepisyo o tuluyan nilang isasagawa ang planong kilos-protesta.
Sa isang radio interview ngayong Huwebes, sinabi ni AHW President Robert Mendoza na nagkaroon sila ng pagpupulong nitong Miyerkules at nabuo ang kanilang desisyon na paigsiin ang deadline ng hinihintay nilang benepisyo mula sa pamahalaan.
“Nag-set na kami na ‘yung ginawa naming September 1 [na deadline] ay dapat sa Friday na, dahil wala kaming inaantay na magandang balita para sa mga health workers,” ani Mendoza.
Matatandaang nagbanta ang grupo na magsasagawa ng mga mass protests kung mabibigo ang Department of Health (DOH) na i-provide ang lahat ng mga benepisyo at kompensasyon ng medical frontline workers ng Agosto 31.
Nitong Miyerkules, inianunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na nai-release na nila ang P311.79 milyon subalit ito ay para lamang sa mga long overdue na special risk allowances (SRAs) ng mga health workers.
Giit ni Mendoza, dapat na ibigay din ng DOH ang P38,000 halaga ng meal at transportation allowance mula Disyembre 2020 hanggang Hunyo 2021, pati na rin ang P3,000 monthly active duty hazard pay ng mga medical frontliners.