ni Mylene Alfonso @News | August 17, 2023
Nanindigan ang economic team ng administrasyong Marcos kaugnay sa pagtataas ng buwis para sa susunod na taon.
Ito ang ibinahagi ni Finance Sec. Benjamin Diokno nang humarap sa 2024 National Expenditure Program (NEP) budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado.
Sinabi ni Diokno na patuloy silang makikipagtulungan sa Kongreso sa kinakailangang paniningil ng karagdagang buwis para na rin sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mga kinakailangang reporma.
Kasama aniya rito ang pagpapasa ng mga natitirang tax reform packages ng nakalipas na administrasyon at mga bagong tax measures sa ilalim ng kasalukuyang Marcos administration.
Ang mga itutulak na dagdag na buwis ay ang Package 4 o ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation kabilang ang Excise tax sa single-use plastic,
Rationalization of mining fiscal regime, Motor vehicle road users tax, Excise tax para sa matatamis na inumin at junk foods, Buwis sa pre-mixed alcohol at VAT sa digital service providers.
Nabatid na target na maaprubahan ngayong 19th Congress ang pitong panukala para sa mga nabanggit na dagdag na buwis bilang suporta sa medium-term fiscal framework.
Idinagdag pa ni Diokno na kapag naipatupad ang mga naturang tax measures ay makakalikom ang gobyerno ng P120.5 bilyon na dagdag sa kita para sa taong 2024.
Kapag nagtuluy-tuloy ay tataas pa aniya ang makokolektang buwis dito sa P152.2 bilyon sa 2025 at P183.2 bilyon sa 2026.
Samantala, inihayag naman ni Senador Chiz Escudero na bakit hindi tingnan ang luxury taxes kung magpapataw ng mga bagong buwis.
Ngunit kapag dapat nang ipatupad aniya ang mga bagong buwis, sinabi niyang mas gugustuhin niyang taasan ang luxury tax sa halip na mga road users, online, o value-added taxes.
Matatandaang sinabi ni Escudero na dapat ayusin muna ang tax collection sa halip na magpataw ng mga bagong buwis at bigyan ng dagdag-pasanin ang mga Pinoy.