ni Jasmin Joy Evangelista | September 30, 2021
Iginiit ng Samahang Industriya ng Magsasaka (SINAG) na dapat ay agad hulihin ang mga nasa likod ng pagpupuslit ng iba't ibang gulay sa bansa.
“Alam naman nila kung saan galing bakit hindi nila hulihin? Napapasama dito magsasaka natin lalo na nag-aani sila tapos ibebenta sa Metro Manila at other part of Luzon. Ang nangyayari flooded naman ito ng imported,” sabi ni SINAG president Rosendo So.
“'Yung mga retailer hindi nila alam na bawal 'yung galing China na carrots kasi pati box nilalagay nila doon sa display so ibig sabihin hindi nila alam na illegal na pumasok ito,” dagdag niya.
Kalat na ngayon ang iba’t ibang imported na gulay sa mga palengke kaya ayon sa SINAG, umaaray na ang mga lokal na magsasaka dahil sa pagdami ng imported na gulay sa merkado.
Bukod sa carrots, nagkalat din sa mga palengke ang iba pang imported na gulay tulad ng broccoli, luya at repolyo.
Posibleng ginamitan din ng pesticide at formalin ang mga gulay para magmukhang fresh pa ang mga ito kahit dumaan sa matagalang biyahe.
“Yung shipment lang from China to Philippines mga 7 days na yun and kung nakikita natin 'yung mga display ang sinasabi ng mga retailer mas matagal pa, tumatagal 'yung imported compared sa local. 'Yun ang isang dapat ma-check kasi wala tayong pagsusuri sa mga dumarating, kung ang mga produkto ba na ito is safe or may chemical contamination. Dapat kasi 'pag pumasok pa lang sinusuri na 'yan pero hindi ginagawa ng Department of Agriculture,” giit ni So.
“Para once and for all hindi na ito mapunta sa palengke, dapat 'yung source hulihin,” dagdag niya.