ni Jasmin Joy Evangelista | December 10, 2021
Tumaas nang halos doble ang presyo ng gulay mula Southern Tagalog habang nasa P10 kada kilo ang itinaas ng presyo ng manok sa mga pamilihan.
Dahil dito ay lalo umanong tumutumal ang bentahan sa mga pamilihan kumpara noong mga nagdaang holiday season.
Inaalam ng Department of Agriculture kung bakit tumaas ang presyo ng mga gulay-Tagalog dahil halos kasingtaas ng mga presyo noong buwan ng Oktubre nang sumirit ang presyo ng krudo.
"Pero ang pagkakaiba ngayon, bumababa ang presyo ng krudo ngayon so ichecheck lang po natin. Sa ibang taon, lalo na nung nakaraang taon, talagang may bagyo ngayon po walang gaanong malalakas na bagyo and nakalipas ang November na di tayo dinalaw ng malalakas na bagyo so ichecheck po natin," ani DA Director Nichols Manalo.
Ayon naman sa mga magmamanok, nasa P10 kada kilo na ang itinaas ng presyo ng manok.
“Malayo ang pagkakaiba depende sa palengke merong 150, 155 meron ding 180. 'Yung imported ay marami nakikita naman yan sa records ng national meat inspection service. Marami diyan nahirapan maglabas pero ngayon may pagkakataon silang maglabas ng kanilang imbentaryo kasi tumaas nga ang local," ani United Broiler Raisers Association chair Bong Inciong.