ni Lolet Abania | January 18, 2022
Inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) ngayong Martes na aprubado na ang importasyon ng 60,000 metric tons (MT) ng mga isda para sa unang quarter ng 2022 upang madagdagan ang lokal na produksyon sa gitna ng inaasahang deficiency nito.
“I just signed yesterday a certificate for the need to import for this first quarter, the amount of 60,000 MT of small pelagic fishes to be imported for this first quarter of the year,” ani DA Secretary William Dar sa sa Laging Handa briefing.
Ayon sa DA chief, inaprubahan niya ang importasyon ng maliliit na pelagic fishes, gaya ng round scad o galunggong, dahil sa naging projection ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na potensyal na deficiency supply ng 119,000 MT sanhi ng tinatawag na closed fishing season.
Sinabi ni Dar na ang Bagyong Odette ay matinding nakaapekto rin sa fishing sector aniya, “We cannot say [whether the] fishing sector will be normal.”
Binanggit din ng opisyal na makatutulong ang importasyon para matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga isda sa mga public wet markets.
Samantala, ayon kay Dar na sapat ang rice inventory ng bansa hanggang katapusan ng 2021 at maaaring abutin pa ito ng 115 araw.
Iginiit naman ni Dar na inaasahang ang 2021 rice production ay mahihigitan ang record-high 19.4 million metric tons na na-harvest noong 2020.
“We are seeing a breach of 20 million metric tons. This will now be a new record harvest in rice production in the country,” sabi ni Dar.
Gayundin, ang poultry supply aniya, “more than sufficient” habang ang mga suplay naman ng locally produced at imported na frozen pork, ani Dar, “more than enough inventory this quarter.”