ni Zel Fernandez | April 26, 2022
Tinatayang higit ₱3.27-B na ang inilaki ng kabuuang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng hagupit ni ‘Agaton’ sa bansa.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Agriculture (DA), pumalo na sa ₱3.27-bilyon ang mga nasalantang pananim, palaisdaan at kabuhayan sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.
Gayundin, aabot na umano sa 73,891 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng nagdaang kalamidad at nasa 90,889 metric tons naman ang naging production loss.
Sa pagtataya ng DA, umabot na sa lawak na 32,689 ektarya ng mga sakahan at bukirin ang nasira ng bagyo. Bukod pa umano rito ang mga nasirang agricultural infrastructures, tulad ng mga makinarya at iba pang kagamitang pambukid.
Gayunman, tiniyak ng DA na mayroong nakahandang ₱723.07 milyong halaga ng tulong na nakalaang ipagkaloob sa mga apektadong magsasaka at mangingisda sa naturang mga rehiyon.