top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 14, 2022



Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), bahagya umanong lumago ang produksiyon ng palay at mais sa bansa sa unang quarter ngayong 2022.


Ayon sa datos ng PSA, bagaman hindi nagkaroon ng paglago sa sektor ng agrikultura sa unang quarter ng taon, pagtuntong ng Pebrero 1, 2022 ay tumaas sa 4.64 na milyong metriko tonelada ang produksiyon ng palay na mas mataas nang 0.2 porsiyento kumpara sa produksiyon nito noong unang quarter ng taong 2021.


Bukod pa rito, naitala rin ang pagtaas ng produksiyon ng mais sa bansa nang 2.46 na milyong metriko tonelada na sinasabing mas mataas naman umano nang 0.7 porsiyento kumpara sa produksiyon nito noong unang quarter ng nakaraang taon.


Sa kabila nito, pinangangambahan naman ng Department of Agriculture ang pagbaba ng produksiyon sa mga pangunahing pananim sa mga susunod na buwan dahil anila sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo, kasabay ng iba pang hamon sa sektor ng agrikultura.


Samantala, nananatiling positibo si Agriculture Secretary William Dar dahil bagaman may mga hamon sa sektor ng agrikultura tulad ng krisis dulot ng alitan ng Ukraine at Russia, at pananalasa ng Bagyong Odette ay maayos pa rin umano ang takbo ng produksiyon sa nasabing sektor.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 12, 2021




Humiling ng P10,000 indemnification fund kada ulo ng baboy ang Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork), bukod pa sa ayudang matatanggap ng mga magbababoy, hinggil sa ipinatupad na state of calamity dulot ng African Swine Fever (ASF).


Ayon sa panayam kay ProPork Luzon Vice- President Nicanor Briones ngayong umaga, “Isa pang kulang diyan sa idineklara ng ating Pangulo ay ‘yung amendment na Executive Order 128 dahil ang isinama lang niya ay ‘yung 254,000 metric tons, wala ‘yung amendments.”


Paliwanag niya, “Sa compromise settlement ni Senate President Tito Sotto at ni (Finance) Secretary (Carlos) Dominguez, ito ‘yung tataas na taripa from 5% to 10% first three months, then 15% after three months.


Sa ngayon, ang umiiral, ‘yung 5% pa rin. Inaprubahan nila ‘yung 254,000 metric tons, ibig sabihin, puwede nilang paratingin ‘yan at 5%, mawawalan tayo ng mga P1.3 billion na revenue na puwedeng itulong sa ating mga magbababoy.”


Ipinaalala rin ni Briones ang isinampang administrative complaint ng Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG) laban kay Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar tungkol sa nalabag na Food Safety Act, kung saan hindi maayos na naipatupad ang pag-iinspeksiyon sa mga imported na baboy at manok.


Aniya, “Napakaimportante po niyan. Kung ‘yan po ay sinunod ni Secretary Dar, hindi na po magkakaroon ng parusa sa mga mamimili. Kaya po nagmahal ‘yung bilihin, dahil pinabayaan ang African Swine Fever. Pinabayaang makapasok. Pinabayaang kumalat... Ang dating, parang nagmamalinis sila at gusto nilang tulungan ang mga mamimili pero sa umpisa pa lamang, sila po ang may kasalanan kung bakit ang ating mga mamimili ay nagdurusa sa mahal na bilihin.”


Binanggit din niya na maaaring kunin ang pondo sa Quick Response Fund para ma-contain ang ASF, kung saan mahigit P20 billion pa ang hindi nagagalaw.


Sa ngayon ay dalawang pondo ang inaasahang ilalaan para sa mga magbababoy na namatayan at mamamatayan pa ng baboy dahil sa lumalaganap na ASF.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page