ni Lolet Abania | September 3, 2020
Inihahanda na ang puting buhangin na itatambak sa baybayin ng Manila Bay malapit sa US Embassy bilang rehabilitasyon at pagpapaganda ng siyudad sa gagawing "Manila Bay Beach."
Nilalayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na matambakan ng 500-meter ng puting buhangin ang kahabaan ng baywalk sa mga susunod na araw, kasabay ng plano ng lokal na pamahalaan na gawin ang Manila Bay Beach na makatutulong sa turismo ng lungsod.
Ayon kay Antiporda, ang puting buhangin ay nagmula pa sa Cebu beaches. Sa lugar na ito matatagpuan ang magagandang white-sand beaches at sandbars tulad ng Bantayan Island at Malapascua Island.
Gayundin, inaasahan ng awtoridad na matatapos ang pagtatambak ng puting buhangin sa Manila Bay Beach hanggang sa September 19, kasabay ng International Coastal Cleanup Day. Samantala, noong Enero 2019, may kabuuang 45.59 tonelada ng basura na umabot sa 11 trak ang nakolekta mula sa Manila Bay. Sa ngayon, patuloy na hinahakot ang mga basura at nililinis ang Manila Bay, kung saan nag-organisa ang lungsod ng clean-up drives upang maibalik ang dating kagandahan ng look ng Maynila.