ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 28, 2021
Nakapagtala ang Zambales ng unang kaso ng COVID-19 Delta variant kung saan isang 2-anyos na batang babae ang tinamaan nito, ayon sa kumpirmasyon ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane, Jr..
Ayon kay Ebdane, asymptomatic ang bata at kasalukuyang nasa quarantine isolation kung saan kasama nito ang kanyang ina na nurse na nagpositibo rin sa COVID-19, pati ang ama nito na positive rin.
Paglilinaw naman ni Ebdane, ang bata lamang ang positibo sa Delta variant.
Aniya, noong Agosto 5 dinala sa Philippine Genome Center ang nakuhang specimen samples mula sa bata at noong Agosto 23 naman inilabas ang resulta nito kung saan lumabas na positibo siya sa Delta variant.
Saad pa ni Ebdane, “Pero ‘yung huling check naman before that ay negative na siya sa COVID-19. ‘Yun nga ‘yung problema. Kaya nu’ng natanggap 'yung resulta ng PGC, we decided to put them on additional restriction kaya hanggang ngayon, nandoon pa 'yung mag-aama sa quarantine center at nag-request kami na magpadala uli ng specimen sa genome center."
Saad pa ni Ebdane, “Ang problema rito kasi, nakita namin na while positive sa Delta, negative ang RT-PCR nila.”
Nagtataka rin umano ang mga awtoridad kung bakit ang bata lamang ang nagpositibo sa Delta variant, ayon kay Ebdane.
Nagpatupad na rin umano ng mahigpit na border control at nagsagawa na rin ng contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng Delta variant sa Zambales.
Saad pa ni Ebdane, "Nagpa-meeting kasama ang mga mayors at municipal health officers kahapon, ang napagkasunduan dito ay magkaroon ng granular lockdown.”
Aniya pa, “Ipapatupad natin ulit ang mahigpit na curfew bawat barangay para wala nang lalabas. We also discouraged the holding of birthdays, weddings, and other parties sa mga bayan-bayan."
Samantala, sa ngayon ay mayroong 892 aktibong kaso ng COVID-19 ang Zambales, ayon pa kay Ebdane.