ni Lolet Abania | September 20, 2021
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 319 kaso ng Delta variant ng COVID-19 nitong Setyembre 18, kaya umabot na sa kabuuang 3,027 o 24.16% mula sa 12,530 sequenced samples sa buong bansa.
Ayon sa DOH, ang mas nakahahawang Delta variant ng coronavirus sa ngayon ay tinatawag na most common lineage o pinakakaraniwang variant na tumama mula sa mga sequenced samples ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa 319 bagong kaso ng Delta variant, 40 ang na-detect sa Region 2, habang sa Caraga ay may 31 cases. Sa Calabarzon ay nakapagtala ng 26 cases, habang sa Region 1 at sa NCR ay mayroong 24 kaso bawat isa. May 18 cases naman mula sa returning overseas Filipinos (ROF).
“This variant is now the most common lineage among sequenced samples as of the latest whole genome sequencing run,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang online press briefing ngayong Lunes.
Samantala, nasa 21.82% o 2,734 kaso na ng Beta variant habang ang Alpha variant ay mayroong 19.64% o 2,461 cases. Dalawang samples o 0.02% naman ang positibo sa Gamma variant, habang may isang sample na Lambda variant ang naitala sa bansa.
Ayon pa sa DOH, 9 na Beta variant cases at 13 Alpha variant cases ang nai-record sa pinakabagong sequencing run.
Sinabi rin ng ahensiya na binubuo ang mga variants of concern cases ng 97.7% ng mga sequenced samples mula pa noong Agosto.
“The increased proportion of these variants can be attributed to their increased transmissibility. However, sampling methodology also affects these proportions as samples from target areas or populations are prioritized more,” sabi ni Vergeire.
“Such populations or areas include samples belonging to clusters, severe or critical cases, admitted cases, samples from areas with sudden increase in COVID-19 cases, fully vaccinated individuals, and cases from returning overseas Filipinos. Infections from these populations are more likely to be associated with variants of concern,” dagdag ng kalihim.