ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 21, 2021
Na-detect sa bansa ng Department of Health (DOH) ang 17 kaso ng Delta COVID-19 variant na unang naiulat sa India, ayon sa ahensiya ngayong Lunes.
Sa latest update sa COVID-19 variant cases na na-detect ng Philippine Genome Center at University of the Philippines National Institute of Health, ayon sa DOH, nadagdagan ng 4 ang dating 13 kaso ng Delta variant sa bansa.
Ayon sa DOH, tatlo sa 4 bagong kaso ng Delta variant ang mula sa mga returning overseas Filipinos (ROF) sa MV Eastern Hope na barkong dumaong sa South Korea.
Saad ng DOH, "Upon detection of the PCR-positive Filipino crew in South Korea, they were repatriated back to the Philippines on June 3, 2021.”
Dalawa umano sa mga ito ang nakakumpleto na ng 10-day isolation at na-discharge na rin habang ang isa pa ay nananatiling naka-admit sa ospital sa Metro Manila.
Ang pang-apat na bagong kaso naman ng Delta variant ay ang ROF na mula sa Saudi Arabia na dumating sa bansa noong May 24 at nakakumpleto na rin ng isolation at idineklarang nakarekober na noong June 10, ayon sa DOH.
Samantala, ayon sa DOH, na-detect din sa bansa ang 14 Alpha (B.1.1.7) variant cases; 21 Beta (B.1.351) variant cases; at isang Theta (P.3, Philippines) variant.