ni Lolet Abania | March 17, 2022
Ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na dapat na laging may dalang inuming tubig o bottled water at kung maaari ay maglagay ng sunblocks kapag nasa labas ng bahay, lalo na ngayong opisyal na nagsimula ang dry season.
Sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na ang palagiang pag-inom ng tubig sa gitna ng panahon ng tag-init ay makatutulong na makaiwas ang lahat sa mga sakit gaya ng heat stroke.
“Pagka ang summer andito na, ang lagi nating paalala sa mamamayan ay lagi ‘yung dehydration. Laging uminom ng tubig, iwasan ‘yung sobra o labis na exposure sa init ng araw dahil magkakaroon po tayo ng heat stroke o heat exhaustion,” pahayag ni Duque.
Una nang inanunsiyo ng PAGASA nitong Miyerkules, ang pormal na pagsisimula ng dry season sa bansa. Ayon kay Duque ang mga matatanda ay mas prone sa dehydration dahil sila ay nagkukulang na rin sa tinatawag na thirst sensation.
“‘Yung thirst sensitivity nila ay hindi na katulad natin o ng mga bata na kung nauuhaw, madali kaagad maramdaman ‘yung uhaw. Sa mga matatanda, nahihirapan silang maramdaman ‘yung uhaw. Kaya kahit wala nang tubig, hindi pa rin humihingi ng tubig,” paliwanag ni Duque.
“Kaya dapat sa kanilang mga kapamilya, i-offer mo, bigyan mo na kaagad ng tubig. ‘Yung baso dalhin mo na kaagad doon sa iyong lolo o lola o sa auntie o uncle mo na nakatatanda para maiwasan itong dehydration na maraming komplikasyon na pwedeng idulot,” dagdag ng opisyal.
Aniya, maaari ring pakuluan ang tubig ng tatlong minuto upang makatiyak na ito ay malinis at ligtas na inumin para maiwasan na tamaan ng typhoid fever, cholera, Hepatitis A, o iba pang mga sakit.
Sinabi rin ni Duque na ang sunburn ay posibleng maiwasan kung ang mga kailangang lumabas ng bahay ay gagawin ito nang mas maaga o bandang mga hapon na. Maganda ring gumamit ng payong at mag-apply ng tamang dami ng sunblock sa katawan.
“’Wag na ‘yung from 10 [a.m.] to 3 o’clock ay lumalabas at lalo na kung hindi naman maiwasan, kailangan maglagay ng sunblock,” sabi pa ni Duque.