ni Lolet Abania | January 8, 2021
Patay ang isang suspek habang nakatakas ang isa pa matapos ang isinagawang anti-illegal drugs operation ng Philippine National Police (PNP) sa Ermita, Manila ngayong Biyernes nang umaga.
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, ang nasawing suspek ay kinilala sa tawag na "Kuya," na armado ng isang caliber .45 pistol at nakipagbarilan sa mga kawani ng PNP Drug Enforcement Group para takasan ang pag-aresto kanya ng mga ito.
Kinilala naman ang isa pang suspek na si Ish Aguilar, kasamahan umano ni Kuya, na nagawang makatakas kaya pinaghahanap na rin ng awtoridad,
Sinabi ni Sinas na ang mga suspek ay distributor umano ng ilegal na droga sa Metro Manila at sa kalapit na probinsiya.
Aniya pa, nakukuha ng mga ito ang supply ng drugs mula sa mga dayuhan at ilang Pinoy na kaibigan.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 800 tableta ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga ng P1,360,000; dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu na P340,000 ang halaga; isang caliber .45 pistol; at buy bust money na P5,000.
Ayon kay PNP-DEG Chief Police Brigadier General Ronald Lee, sina Kuya at Aguilar ay nakatakas sa unang operasyon ng awtoridad noong Huwebes ng hapon nang ni-raid nila ang isang kitchen-type shabu laboratory sa Cainta, Rizal.
Gayunman, ang live-in partner ni Aguilar na si Khrystyn Almario Pimentel ay naaresto sa nasabing operasyon. Nasabat kay Pimentel ang 2,000 tableta ng hinihinalang ecstasy na P3,400,000 ang halaga; 10 maliliit na pakete ng hinihinalang marijuana na P60,000 ang halaga; at hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000.
Nasabat din ng pulisya ang ilang laboratory equipment na ginagamit para sa pagpoproseso ng shabu.