ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika- 10 Araw ng Abril, 2024
Dapat nga bang sabihin ni Via kay Nhel ang tungkol sa kanyang pagbubuntis?
“Karapatan itong malaman ni Nhel.” Sagot ni Via. Pero, kumokontra ang kanyang isipan, at sinasabing, “Paano kapag hindi natuwa si Nhel?”
Ngayon pa lang ay nasasaktan na siya, at para bang dinudurog ang kanyang puso. Kahit kasi sabihin ng utak niya na ‘wag paniwalaan ang sinasabi ng matandang babae, roon pa rin siya nagkaroon ng pagdududa.
Paano nga kung sa huli ay ipamukha sa kanya ni Nhel na wala talaga itong pag-ibig sa kanya?
“Hindi ka pa ba nadadala? Palagi ka na lang umaasa! Sarili mo ngang ama hindi ka pinanindigan, at ngayon hindi ka pa sigurado kung nagsisinungaling nga ba o hindi si Nhel.”
Sambit ni Via sa kanyang sarili.
“Marie?”
Ang Tatay Pedro niya ang nagsalita, kaya nakita niya ang panggigilalas sa mukha ng kanyang biyenan na hindi makapaniwala.
Hindi rin niya inaasahan na magtatagpo ang dalawa. Kunsabagay, napapayag niya kasi si Nhel na magbakasyon sa kanila ang kanyang Tatay Pedro. Ang nais niya kasing mangyari ay mapalapit ang loob ng mag-ama.
Ramdam niya ang pag-aalinlangan ni Nhel, ngunit napapayag niya rin naman ito. Kaya naman parang gusto niyang umasa na tunay nga siyang mahal ni Nhel dahil sinusubukan nito na patawarin ang kanyang Tatay Pedro na sa tingin naman niya ay walang kasalanan.
Una, hindi nito alam na buntis si Marie. Pangalawa, si Marie ang tumalikod dito dahil hindi niya kayang mabuhay sa piling ng isang mahirap.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Gulat nitong tanong.
“Huwag mo na guluhin ang relasyon ng mga anak natin!”
Umangat ang kilay ng matandang babae. “Kahit pa na kamukha mo si Nhel, hindi mo pa rin siya kinilala bilang isang anak!”
“Hindi ko alam na nabuntis kita noon.”
“Basta! Hindi ako papayag na manatiling kasal ang anak ko sa babaeng ‘yan!” Gigil nitong sabi na para bang nag-apoy bigla ang mga mata.
Itutuloy…
Itutuloy…