Dear Roma Amor - @Life & Style | October 30, 2020
Dear Roma,
Ako si Isha, 25, at may 4 yrs. boyfriend. Masasabi kong suwerte ako sa BF ko dahil napakabait niya, gayundin ang kanyang pamilya. Ngayong pandemic, panay ang offer ng parents niya na magpadala ng groceries o tulong-pinansiyal sa pamilya namin. Ilang beses na ako tumanggi dahil nakakasurvive pa naman kami, pero mapilit talaga ang parents niya. Sa totoo lang, nakakahiya kasi dahil kahit bago pa ang pandemic, marami na silang naitulong sa amin, lalo na sa akin. Kamakailan lang, nagpaabot din sila ng tulong nang operahan ang aking Papa.
Roma, nahihiya talaga ako dahil ako ‘yung tipo ng tao na ayaw tumanaw ng utang na loob. Wala akong masasabi sa kabaitan nila dahil alam kong genuine ‘yun, pero may paraan ba para tumanggi? –Isha
Isha,
Kung tutuusin, sobrang suwerte mo dahil mayroon kang partner na mabait, gayundin ang kanyang pamilya. Siguro nga, minsan, nakakahiya ring tumanggap ng tulong dahil baka mauwi sa utang na loob. Pero kung alam mong genuine ito at hindi naman aabot sa ganu’ng punto, mas okay na tanggapin ito kesa tanggihan.
Ngayong may pandemya, hindi tayo dapat tumanggi sa anumang ibinibigay sa atin. Ituring natin itong blessing, lalo na kung hindi natin ito hiniling. God bless!