Dear Roma Amor - @Life & Style | December 19, 2020
Dear Roma,
Nawawalan na ako ng gana sa boyfriend ko na makipag-usap tungkol sa pag-iipon dahil sinasabi na lang niya na ‘pag nakabawi na lang at wala rin akong nakikitang magandang future sa kanya, plus madalas akong nadi-disappoint sa kanya. Wala pa naman kaming isang taon, pero kaya ko siya sinagot ay dahil alam ko sa sarili kong siya na, kaso dumating ang pandemic at nag-iba na halos lahat sa kanya o sadyang ‘di ko pa siya masyadong kilala.
Dati, palagi kaming hati sa gastos ‘pag lalabas, pero madalas, ako ‘yung mas malaki ang ambag dahil mas mataas ang sahod ko sa kanya. Ngayon, nasanay siya na puro ako ang sumasagot, mula sa pamasahe, pagkain at lahat. Hinayaan ko na lang dahil mahal ko naman siya, kaso napapaisip ako dahil parang sobra na. Madalas, feeling ko pa, required akong i-provide ‘yung mga ‘di niya mabili para sa sarili niya, kaya kung kaya kong ibigay sa kanya, babawasan ko ‘yung budget ko para sa sarili ko kahit ‘di ko na binibili ‘yung gusto ko para lang mabigay ‘yung needs niya. Ano ang mapapayo n’yo sa sitwasyon ko? —Sophie
Sophie,
For sure, alam mo na ang sagot sa tanong mo, at baka nanghihingi ka lang ng validation mula sa ibang tao. Tulad ng sinabi mo, parang nasanay siya na halos ikaw na lang ang gumagastos, tingin mo, dapat bang hayaan lang ang ganitong sitwasyon? Isipin mo, ngayong mag-dyowa pa lang kayo, pero parang ikaw na ang bumubuhay sa kanya, paano pa sa future? Tatagal ka ba sa relasyon na ‘ika nga, ikaw lang ang nagdadala?
Ikaw pa rin ang magdedesisyon kung ipagpapatuloy mo ang iyong relasyon sa BF mo, kaya pag-isipan mong mabuti para walang pagsisisihan sa huli. Good luck!