Dear Roma Amor - @Life & Style | December 31, 2020
Dear Roma,
Ako si Nadine at gusto kong humingi ng payo about sa kinakasama ko. Meron na kaming anak at ngayon, palagi kaming nagtatalo sa usaping pera. Magkaiba ang pag-iisip namin dahil lumaki siyang mayroon at ako naman ay hirap sa buhay at breadwinner ng pamilya.
Hindi pa kami kasal dahil sa totoo lang, ayaw ko pa kasi mas inuuna ko ang needs ng anak ko. Ngayon, nakikitira kami sa mga biyenan ko at masasabi kong blessed ako sa kanila.
Online seller ako at nakakaipon kahit paano dahil sa pagtitinda, habang ‘yung partner ko ay napakaluho. Gusto ko lang naman na bawasan niya ang luho niya at hindi ako humihingi sa kanya dahil mga pangangailangan lang ng anak namin, okay na ako.
‘Yung kinikita ko naman, iniipon ko dahil pinapalaki ko ang puhunan ko para mas malaki ang income ko.
Kinausap ko siya na bawasan ang pagbili ng mga bagay na hindi kailangan at ang ending, nagtalo na naman kami kasi pinaiintindi ko sa kanya na hindi habambuhay nand’yan ang parents niya. Palagi niyang sinasabi na nagmamadali ako sa mga bagay at hindi ako makapaghintay.
Ang gusto ko lang naman, magkaroon kami ng sariling bahay dahil gusto kong makita ‘yung mga pinaghihirapan ko kakatinda. Gayundin, gusto kong tulungan niya ko mag-ipon at bawasan ang kanyang luho dahil madalas siyang umutang sa pampuhunan ko. Ano ang dapat kong gawin? — Nadine
Nadine,
Sa totoo lang, napakahirap ng ganyang sitwasyon, lalo pa at may anak na kayo. Malaking bagay na nand’yan ang mga magulang niya para sa inyo pero tulad ng sinabi mo, hindi habambuhay n’yo silang maaasahan. Panahon na para magseryoso ang partner mo pagdating sa paghawak ng pera at luho niya. Kaya ang maipapayo ko ay hayaan mo siya sa paggastos, pero oras na maubusan siya ng pera, ‘wag mo siyang pautangin o bigyan ng kahit na ano. Tapos mag-ipon ka at patuloy na palaguin ang iyong negosyo para ma-secure mo ang future n’yo ng anak mo. Talagang challenging ito, pero ‘pag natupad lahat ng pangarap mo para sa iyong anak, worth it ito. Good luck!