top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-26 Araw ng Abril, 2024





Alam na alam ni Jake kung ano ang sasabihin ni Nhel, kaya nakaramdam siya ng kasiyahan nang umayon ito sa kanyang kagustuhan. 


Kahit hindi sila magkaibigan, alam niya kapag nade-deny lang ito, at iyon nga ang nangyari. Kung malalaman ni Nhel na may ibang nagugustuhan si Via, talaga ngang mas gugustuhin nitong ipagkaila ang kanyang nararamdaman. 


Mahal niya si Via, pero mas gusto niyang itago ang kanyang nararamdaman kesa na mapahiya. 


“Kung ganu’n, akin na siya?”


“Iyung-iyo.”


Kumunot ang noo niya, at sabay hirit na, “Bibigyan kita ng ilang araw–,”


Hindi ko na kailangan ang ilang araw upang makapag-isip. Gawin mo na kung ano’ng gusto mo ngayon. Sa iyo na si Via.”


“Ang sakit naman niyan para kay Via.”


“Umalis ka na. Wala ka nang mapapala sa akin.”


Ikinabigla niya ang reaksyon at sinabi ni Nhel. Kung umasta ito ay parang wala siyang pakialam sa kanyang asawa. Kunsabagay, wala naman sa bokabularyo niya ang magmahal.


Ipinilig niya ang kanyang ulo para itaboy sa kanyang isipan na nagkakaila lang ito. Kunsabagay, hindi man niya nakita ang gusto niyang reaksyon sa mata ni Nhel, magagamit niya iyon upang mapatunayan kay Via ang kanyang sinasabi. 


“Ipaparating ko sa kanya ang lahat ng sinabi mo.”


“Eh ‘di iparating mo,” naghahamon pa nitong sagot. 


“Okey,” wika niya sabay labas sa office ni Nhel. 


Alam niyang madaming nakasunod sa kanya, pero nakakasiguro siya na hindi ito makakasunod sa kanya, dahil may iba siyang pinaplanong gawin. Sa rooftop siya dumaan ngayon, na kung saan naroon ang helicopter na sasakyan niya para hindi siya masundan ng mga tauhan ni Nhel Zamora.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-25 Araw ng Abril, 2024





Hindi kumikibo si Jake na siyang nagpainit sa ulo ni Nhel. Ramdam niya na hindi lang basta-basta ang namamagitan sa kanila, at para bang may kuryente na anytime ay maaaring isa sa kanila ang masunog. 


“Nasaan ang asawa ko?” Gigil niyang tanong. 


“Wala kang karapatan sa kanya. Iniwan ka na niya dahil hindi ka niya mahal.” Mayabang na sabi ni Jake. 


Alam na alam ni Nhel na nais lang naman makita ni Jake na siya’y magalit. Marahas na buntong hininga ang pinawalan niya. Walang kasing kaide-ideya si Jake sa kung ano ang kaya niyang gawin. Siguro ang tingin nito sa kanya ay isang mahina, at madaling makaramdam ng takot. Ngunit, wala itong ideya na kaya niya itong durugin anumang oras, lalo na pagdating kay Via. 


“Wala ka talagang takot, ano?” Sarkastikong tanong niya rito. 


“Hindi naman kita dapat katakutan.”


“Masakit ba?” Tanong nito sa kanya. 


“Ano’ng sinasabi mo riyan?” Agad niyang tanong. 


“Iniwan ka ng asawa mo dahil sa akin?” Nakangising sabi nito sa kanya. 


Doon mas biglang uminit ang ulo ni Nhel. Sa lahat ng ayaw niya ay iyong gumagawa ng kuwento. Nakakasiguro siya na hindi siya iiwan ni Via para sa lalaking ito. Kaya, awtomatikong lumipad ang kamao niya sa mukha nito. 


Hindi nito inaasahan ang kanyang gagawin, kaya hindi agad ito nakaiwas. Para tuloy gusto niyang humagalpak ng tawa. 


“Ang tapang-tapang mong sumugod dito, hindi ka naman pala marunong umiwas.” 


“Hindi ko siya ituturo sa iyo.”


“Fine, sawa na naman ako kay Via kaya puwede mo na siyang makuha,” wika niya habang nakatingin sa mga mata ni Jake. 


Gusto niyang ipakita rito na balewala lang sa kanya ang lahat. Kahit na ang totoo ay miss na miss na niya ang kanyang asawa, ayaw niya lang ipakita rito na masyado siyang nag-aalala, dahil tiyak na mas gigipitin lang siya nito.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-24 Araw ng Abril, 2024





Kunot na kunot ang noo ni Nhel, matapos niyang maihagis ang kanyang cellphone.


Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Hindi niya maintindihan kung bakit siya tinawagan ni Jake, pero ramdam niya na hindi ito tumawag upang mangamusta. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapailing. Hindi naman siya ang tipo ng tao na naghahanap ng kaaway, ngunit hindi rin siya umaatras sa anumang laban. 


Hindi lang niya maintindihan kung bakit matindi ang galit nito sa kanya. Basta ang alam niya, lumala iyon dahil lahat ng nagugustuhan nito ay siya ang natitipuhan. 


“Kasalanan ko bang maging pogi?” Natatawa niyang tanong sa sarili. 


Napabuntong hininga lang siya nang pumasok sa kanyang isipan si Via. Wala na siyang pakialam kung lahat ng babae ay magkagusto kay Jake. Basta ang nais niya ay makita at mayakap ngayon si Via. 


“Damn,” hindi niya napigilang sabihin pagkaraan. 


Kung bakit ba naman kasi hindi niya nagawang ipagtapat kay Via ang kanyang nararamdaman. 


“Bakit manhid din ba ito?” Inis niyang tanong sa sarili.


Tuwing aangkinin niya ito, pinaparamdam niya rito kung gaano niya ito kamahal. 


Nabigla siya nang bumukas ang pinto ng private office. 


“Hello, my friend!” Buong kasarkastikuhang bati ni Jake. 


“Sir, hindi ko siya…”


Takot na takot ang boses ng kanyang sekretarya, kaya sumenyas siya para pahintuin ang pagsasalita nito. 


“Iwan mo na muna kami,” wika niya sabay sabi kay Jake na, “Ang tigas din ng ulo mo ‘no? Hindi ka ba makaintindi na ayoko ngang–,” 


Kapag nalaman mo bang tungkol sa asawa mo ang dahilan kaya ako narito, hindi ka pa rin magkaka-interes?” Mala-demonyo ang pagkakangiti nito sa kanya. Kaya naman hindi niya napigilang ilabas ang kanyang pagkadiyablo. Sa isang saglit ay nagawa itong lapitan at suntukin ni Nhel. 


Nanlilisik ang mga mata niya at sabay tanong na, “Nasaan ang asawa ko?” 


Kapag hindi siya nakahagilap ng sagot dito, tiyak na dudurugin niya ang buto nito.



Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page