top of page
Search

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 22, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig


Dear Sister Isabel,


Isa akong madre, pero may aaminin ako sa inyo. May dyowa ako ngayon na isang pari. Katabi lang ng kumbento namin ang kanilang kumbento, at lihim kaming umibig sa isa't isa. 


Mahusay naming itinatago ang aming sikreto, kaya naman wala pang nakakaalam ng tungkol sa relasyon namin.


Noong una ay maayos naman ang aming relasyon. Pareho kaming masaya, kahit paminsan-minsan lang ang mga nakaw na sandali sa amin. Kaya lang, parang inuusig ako ng aking konsensya. Patindi nang patindi ang konsensya na nararamdaman ng aking isip at damdamin. Hindi rin ako makatulog nang maayos, at gusto ko nang bumitaw sa aming relasyon. 


Ano ba ang dapat kong gawin? Nag-aalala rin ako na baka ‘di pumayag ang nobyo kong pari. 


Baka sa kalungkutan niya, bigla na lang niyang kitilin ang kanyang buhay. Sa aking palagay, hindi niya kayang tanggapin ang binabalak ko para sa ikapapayapa ng aming sitwasyon.

Hangad ko ang inyong payo sa kung ano ang dapat kong gawin. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat, 

Bernadeth ng Baguio


 

Sa iyo, Bernadeth, 


Natural lamang sa isang babae na katulad mong walang asawa na umibig at magmahal. Bilang isang madre na nasa loob ng isang kumbento, hindi ka dapat nagkakaroon ng pagtingin sa isang pari na nasa loob din ng isang kumbento. 


Alam kong alam mo na kasalanang maituturing ang inyong ginagawa. Gayunman, Hindi pa huli ang lahat. Hangga’t maaga pa, mag-usap na kayo, putulin n’yo na agad ang namamagitan sa inyong dalawa. 


Sa aking palagay, kapwa lamang kayong naghahanap ng pagmamahal na may kasamang pananabik at saya. Magsimula ka na magdesisyon upang iwasan na ang pakikipagkita sa nobyo mo. Sa ganyang paraan, mawawala na ang kanyang nararamdaman sa iyo. Maiisip din niya na maling ipagpatuloy ang inyong relasyon.


Bago ka matulog, magdasal ka muna, at humingi ng tulong sa ganyang mga scenario. Humingi ka rin ng tawad at gabay sa Panginoong Hesukristo, at ipangako mo rin na iiwasan mo na ang mga mali at bawal bilang isang madre. 


Iyong pangatawanan ang bokasyong pinasok mo. Malalampasan mo rin lahat ng pagsubok, ikaw ang tinawag ng Panginoon sa isang banal na misyon sa daigdig.

Mapalad ka sa lahat ng mapalad, sapagkat napili kang maging isang ganap na madre. Kapag ito ay inilagay mo sa iyong isipan, hindi magtatagumpay ang demonyo na tuksuhin kang muli upang magkasala.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



File Photo

 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 18, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig


Dear Sister Isabel,


Gusto ko sanang humingi ng payo sa inyo tungkol sa nakababata kong kapatid na nagsabi sa akin ng kanyang problema. 


Nagulat ako nang ipagtapat niya sa akin na may anak na pala siya sa labas. High school na ito ngayon, at ga-graduate na siya next year. 


Nagtataka tuloy ang asawa niya, kung bakit hindi siya makaahun-ahon sa utang, gayung kumikita naman ang negosyong pinagkatiwala ng misis niya sa kanya. 


Doon pala kasi niya kinukuha ‘yung sinusustento niya sa anak niya sa labas. Wala siyang sariling income, at umaasa lang siya sa negosyo nila. 


Hanggang ngayon, hindi pa rin alam ng tunay niyang asawa na may anak na siya sa ibang babae. Hindi niya alam kung ipagtatapat niya na ba sa asawa niya ang lihim niya o hindi. 


Ano sa palagay n’yo ang dapat niyang gawin? Hihintayin ko ang payo n’yo sa nakababata kong kapatid. Tuliro na ang isip niya at hindi na siya makatulog. 

Nagpapasalamat

Aurora ng Marulas, Valenzuela


 

Sa iyo, Aurora,


Ang pinakamagandang dapat gawin ng nakababata mong kapatid ay ipagtapat sa asawa niya ang kanyang lihim. Taunin niya na nasa magandang mood ang misis niya kapag sinabi na niya ang pinakatagu-tago niyang sikreto, dahil walang lihim na ‘di nabubunyag. Matutuklasan din ng misis niya ang lihim na iyon, kaya mas makakabuting sa sariling bibig na niya manggaling kaysa sa ibang tao pa malaman ng asawa niya. 


Humingi muna siya ng guidance sa Holy Spirit, kung paano niya ipagtatapat sa asawa niya ang katotohanan. Magdasal muna siya, sa umpisa maaaring magalit ito, pero sa dakong huli ay natitiyak kong uunawain din siya ng asawa niya, at tatanggapin ng buong puso ang bawat sabihin niya. Gawin na niya ito agad, at huwag na niya kamong patagalin pa. Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos ang lahat. 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo




File Photo

 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 8, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig


Dear Sister Isabel,


Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan kapag nabasa n’yo ang problema ko.

Nagsimula ang problema ko mula nang maging kami ng kapitbahay ko. Nagkamabutihan kami at habang tumatagal ang aming relasyon, napansin ko na mahina ang loob niya. May inferiority complex siya at seloso rin. Gayunman, pilit ko pa rin siyang inunawa dahil mahal ko siya.


11 months na ang relasyon namin nang makipag-break siya sa akin. Nag-aalangan daw siya sa akin dahil may trabaho na ako habang siya ay wala pa. Bukod pa roon, ‘di niya mapigilan ang magselos at ma-insecure sa mga lalaking akala niya’y may gusto sa akin. Nahihirapan daw siya sa ganu’ng sitwasyon, kaya naman mas pinili niyang makipaghiwalay sa akin. 


Alam mo ang mas masakit, Sister Isabel? Pinagpalit niya agad ako sa iba. Napakasakit ng ginawa niya sa akin, lalo na’t tinanggap ko ang pagkatao, kahinaan at iba pang negative traits niya. Hirap na hirap na akong tanggapin ang mga nangyayari. Paano kaya ako makaka-move on? Sana mabigyan n’yo ako ng payo para gumaan naman kahit papaano ang loob ko. 


Umaasa,

Glenda ng Cabanatuan Nueva Ecija


Sa iyo, Glenda,


Ganyan talaga ang pag-ibig, may nabibigo at mayroon din namang sa kasalan at panghabambuhay nauuwi. Bawat tao ay may kani-kanyang kahahantungan, marahil hindi pa ito dumarating sa buhay mo, at tanggapin mo na lang na hindi siya ang kapalaran mo. 


Glenda, may ibang tao pa kasing nakalaan sa iyo. Isipin mo na lang na kung siya ang mapapangasawa mo na mahina ang loob, may negatibong ugali, sa palagay mo kaya liligaya ka? Iniligtas ka lang ng Diyos sa ganu’ng sitwasyon kaya sa halip na malungkot ka, maging masaya ka na lang ngayon. Malay mo, paparating na pala ang lalaking inilaan sa iyo ng kapalaran. Mag-move on ka na at harapin mo ang iyong buhay. Huwag kang panghinaan ng loob, dahil may magandang plano pa ang Diyos para sa iyo. Ayaw lang ng Diyos na magdusa ka sa buhay may asawa, magpasalamat ka na lang na nakawala ka na sa lalaking iyon. 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo





File Photo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page