top of page
Search

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | September 17, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyong lahat d’yan sa Bulgar. 

Pinilit akong ipakasal ng magulang ko sa lalaking hindi ko naman tunay na mahal.

Kaya naman kalbaryo lang ang inabot ko. Napakatamad niya at ang masaklap pa ay napaka-mama's boy niya. Nakaasa lang siya sa kanyang magulang, kaya naman naisipan kong mangibang-bansa. Sa awa ng Diyos, pumayag naman siya. Kaysa na matuwa ako, nakita ko kung paano siya mas naging batugan dahil sa tuwing sumusuweldo ako, sa kanya ko dinederetso.


May dalawa na kaming anak. Mabuti na lang ay nagpapakatatay siya sa mga anak namin. Kuntento na ang mga anak namin sa kanya, dahil ramdam na ramdam daw nila ang pagmamahal ng kanilang ama. 


Wala pa ‘kong balak umuwi nu’n sa ‘Pinas, dahil gusto ko bago ako umuwi ay makapagtapos muna ng kolehiyo ang mga anak ko.


Makalipas ang ilang taon, naka-graduate na rin sa wakas ang dalawa kong anak. Kaya naman agad akong nagpasyang umuwi sa ‘Pinas, at doon na muling manirahan. 

Mas tumabang ang pagsasama namin ng asawa ko. Mas naramdaman ko talaga na walang namamagitang pagmamahal sa amin. Sa katunayan, nagsasama lang kami dahil sa mga anak namin. Gusto ko na sana muling mag-asawa, wala namang problema sa asawa ko, dahil wala rin naman siyang feelings sa akin, subalit tutol ang mga anak ko. Ayaw pumayag ng mga anak namin na maghiwalay kami, at magkani-kanyang buhay sa piling ng aming napupusuan. 


Nagbanta pa ang isang kong anak na mas pipiliin na lamang umano niyang mawala sa mundo kaysa na magkahiwalay kami ng ama niya. 

Nawa ay mapayuhan n’yo ako sa dapat kong gawin. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat, 

Dolores ng Batangas



 

File Photo

Sa iyo, Dolores,


Mag-isip-isip muna kayo. Unang-una, kasal kayo, at hindi ka na puwede pang ikasal sa iba. Kabit lang ang magiging status kung papatol ka pa sa iba, maliban na lang kung magpa-file ka ng annulment. May katwiran ang anak mo na tutol sa iniisip n’yo na magkani-kanya. 


Sa palagay ko naman, puwede pang maibalik ang pagmamahalan n’yo alang-alang na lamang sa mga anak n’yo. Ipakita mo sa mga anak mo na ginagawa mo ang tungkulin mo bilang ilaw ng tahanan. Kapag naramdam ng asawa mo ‘yun, tiyak na susuklian din niya ang pagmamahal na ipinapakita mo. 


Hindi ka man niya pinigilan mag-abroad, naging mabuti naman siyang ama sa mga anak mo. Ngayon na ang tamang panahon para iparamdam sa asawa mo ang iyong pagmamahal, natitiyak kong susuklian din niya ng pagmamahal ang effort mo para maging buo at masaya ang inyong pamilya. 


Nakakasiguro din ako na hindi na siya maghahanap pa ng iba, dahil para lang kayong kumuha ng bato na ipupukpok sa ulo n’yo kung itutuloy n’yo ang balak n’yo na magkani-kanya. 


Nawa'y maunawaan mo ang sinasabi ko. Hanggang dito na lang, hangad ko ang kaligayahan n’yo. Sana ‘di na rin mawasak pa ang inyong pamilya. Dalangin ko na maging matibay at matatag pa kayo alang-alang sa inyong mga anak. 


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | September 11, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyo. Uumpisahan ko ang kuwento ng aking buhay mula nang makilala ko ang taong nagpatibok ng aking puso. Ka-boardmate ko siya, kaya naman palagi rin kaming nagkikita. Naging masaya naman kami dahil nagkakasundo kami sa lahat ng bagay hanggang sa natuklasan ko na may relasyon din pala sila ng professor niya. 


Bakla pala ang boyfriend ko. Umamin naman siya sa akin na bakla nga siya, pero hindi umano totoong boyfriend niya ang kanyang professor. 


Hindi ko na alam ang gagawin, mahal na mahal ko siya at parang ‘di ko kayang mawala siya sa buhay ko, pero ayoko naman magkaroon ng baklang asawa. 


Sa katunayan, may napagkasunduan na kami na next year magpapakasal na kami. 

Ano ba ang mabuti kong gawin, Sister Isabel? Naguguluhan at nahihirapan na akong magpasya. Sana ay gabayan n’yo ko. 

Nagpapasalamat, 

Mercy ng Makati


 

File Photo

Sa iyo, Mercy,


Kung talagang mahal na mahal mo siya at hindi mo kayang mawala siya sa buhay mo, eh ‘di tanggapin mo kung ano talaga siya. Love him for what he is. 


Ang pag-ibig ay mahiwaga, galing sa puso iyan na hindi kayang dedmahin. Huwag mong pansinin ang sinasabi ng iba, dahil ang mahalaga ay mahal mo siya at mahal ka niya.


Tungkol naman sa boyfriend niyang professor, ‘di ba siya na rin mismo ang nagsabi na hindi totoo ‘yun? Kaya wala kang dapat ipag-alala. 


Huwag mong sikilin ang iyong damdamin. Bagkus, ituloy mo ang pagmamahalan n’yo. Marami akong kilalang bakla ang napangasawa, at nagkaroon ng maligaya pamilya.

Hanggang dito na lang, pagpalain nawa kayo ng Dakilang Kataas-taasan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | August 15, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig ni Sis. Isabel


Dear Sister Isabel,


May matinding pagsubok akong kinakaharap ngayon, at alam kong kayo lang ang makakapagpalubag ng loob ko. 


Nagkaroon ako ng ka-chat sa Facebook. Isa siyang Muslim, at kalaunan ay naging magkaibigan kami. Pero, dumating sa puntong pinapunta niya ako sa kanilang bansa, at pinadalhan niya rin ako ng ticket para makaalis na agad. Siya rin ang nag-ayos ng mga papeles para makarating ako roon. 


Ang sabi niya, pakakasalan niya raw ako. Tuwang-tuwa naman ako dahil sa wakas ay may mapapangasawa na muli ako. 


Mayaman, at tinitingala siya sa lugar nila. Habang isa naman akong biyuda, at wala pang anak kaya naman malaya kong nagagawa ang mga desisyon ko sa buhay. 


Hindi nagtagal, nakarating na ako sa lugar nila. Pero laking gulat ko dahil may iba pa pala siyang asawa, at pangatlo na ako. Pinagsama-sama niya kami sa iisang bahay. Hindi niya sa akin sinabi na may iba pa pala siyang asawa. Kaya naman mula noon, naging sex slave niya na ako. Tingin niya sa akin ay kasangkapan na pagmamay-ari niya na kahit ano’ng oras ay puwede niyang ipagawa sa akin ang mga bagay na gusto niya. 


Hindi ko akalaing ganito ang mangyayari sa buhay ko. Ang mas malala pa, pinapagamit niya rin ako sa mga kaibigan niya. Hirap na hirap na ako sa kalagayan ko. 


Ano ba ang dapat kong gawin, Sister Isabel? Hihintayin ko ang payo n’yo. Nawa’y matulungan ninyo ako.

Nagpapasalamat,

Beth ng Cotabato


 

Sa iyo, Beth,


Lubhang nakakabahala ang problema mo. Wala ka bang contact sa mga kamag-anak mo sa ‘Pinas? Sikapin mong ipaalam sa kanila ang kalagayan mo para mai-report nila sa Philippine Embassy ang nangyayari sa iyo ngayon. 


Hindi makatarungan ang ginagawa sa iyo ng Muslim mong asawa. Kailangan siyang maparusahan. Gumawa ka ng paraan para ma-contact mo ang mga kamag-anak, o mga kaibigan mo na alam mong kikilos para matulungan ka. 


Mga Kwento ng Buhay at Pag-Ibig

Kung may mga kaibigan ka riyan, magpatulong ka sa kanila bago pa mahuli ang lahat. Dalangin ko na mahango ko sa ganyang kalagayan sa lalong madaling panahon. Huwag kang mawalan ng pag-asa. 


Magdasal at manalangin ka sa Diyos na makapangyarihan sa lahat. Habang may buhay, may pag-asa, pero huwag kang susuko. Malalampasan mo rin ang kalbaryong kinakaharap mo ngayon. 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



 
 
RECOMMENDED
bottom of page