ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 23, 2021
Isinailalim sa lockdown ang isang eskuwelahan sa Tagbilaran City, Bohol matapos magpositibo sa COVID-19 ang 14 guro.
Itinuturing na “most populated school” sa Bohol ang Dr. Cecilio Putong National High School (DCPNHS), at 14 araw itong ila-lockdown simula noong February 18.
Ayon sa school principal na si Maurine Castaño, 10 sa mga guro ang mula sa Tagbilaran City, kabilang na ang unang nagpositibo sa COVID-19 at ang iba pa ay mula sa iba’t ibang lugar sa Bohol.
Isa sa mga nagpositibo ay naka-admit sa ospital at ang 13 ay nasa quarantine facilities.
Ayon kay Castaño, ang unang guro na nagpositibo ay nakitaan ng sintomas ng COVID noong February 6 at nagpunta pa rin sa eskuwelahan noong Pebrero 8 at 9.
Ang 13 iba pang guro ay nakasalamuha ng unang nagpositibo sa loob ng airconditioned Grade 7 faculty room habang nagdi-distribute ng learning modules.
Pansamantalang itinigil ang pamamahagi ng modules at nanawagan si Castaño ng kooperasyon mula sa mga magulang ng mga estudyante.
Aniya, “The modules can wait. We have to ensure everyone’s safety first. We have to remember that life, once lost, cannot be recovered.”
Samantala, nagsagawa na ng disinfection ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) sa naturang paaralan at muli itong bubuksan kapag nabigyan na ng clearance mula sa Inter-Agency Task Force (IATF).