top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | November 12, 2021



Nabuking ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu sa loob ng kalabasa na inihatid sa Davao city jail nitong Huwebes ng umaga.


Dahil dito ay hinarang nila ang iba pang kalabasa na dinala rito.


Nakita sa loob ng kalabasa ang mga tabako na ang laman ay aabot sa 5 pakete ng hinihinalang shabu, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology Region 11.


Ang nakumpiskang ilegal na droga ay nagkakahalaga ng mahigit P300,000.


Hinuli ang 1 babae at ang lalaking driver ng truck na naghatid ng mga gulay sa city jail ngunit ayon sa 2, hindi nila alam kung bakit mayroong lamang droga ang kanilang produktong gulay. Halos 2 taon na umanong nagde-deliver ng mga gulay ang mga nahuli.


Ngayong taon ay umabot na sa 7 insidente ng pagpuslit ng ilegal na droga ang naitala sa Davao city jail.


Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

 
 

ni Lolet Abania | June 29, 2021



Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology Region XI (BJMP XI) na shabu ang nasa loob ng bola ng basketball na natagpuan sa compound ng Davao City Jail sa Male Dormitory.


Sa isang pahayag ng pamunuan ng BJMP XI, nakasamsam sila ng nasa 21 gramo ng hinihinalang shabu na nakabalot sa mga sachets na nasa loob ng bola ng basketball na tinatayang P300,000 ang halaga.


Sa ulat, habang nagsasagawa ng regular jail activity noong Sabado, narinig ng duty searchers ang malakas na kalabog ng bola mula sa bubong ng jail facility.


Gumulong pa ito sa bubong saka bumagsak malapit sa searching area. Lumalabas na punit ang naturang bola ng basketball, kung saan may laman sa loob nito habang dinikitan ng electrical tape ang bahaging may punit.


Sa naging instruction ng warden, agad na ininspeksiyon ng officer na naka-duty ang bola at nadiskubre ang 6 na sachets ng puting crystalline substance na nakumpirmang methamphetamine o shabu.


Ayon sa BJMP XI, hinihinalang ang bola ay ibinato mula sa bakanteng lote sa kabilang bahagi ng konkretong pader sa harap ng dormitory, subalit sumabit ito sa net na sadyang inilagay para maharang ang katulad na taktika.


Gayunman, ang insidente ay nai-report na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa kaukulang beripikasyon at tagging, habang nai-turnover na rin sa kanilang kustodiya ang hinihinalang shabu.


Patuloy namang iniimbestigahan ng BJMP XI ang sinumang lumabag at tumanggap ng naturang items.


Sa nangyaring insidente, mas pinaigting na ng BJMP ang mga security measures habang agad na aarestuhin ang mahuhuling magpupuslit ng anumang kontrabando sa loob ng jail facility.


“The BJMP will continue to be vigilant in securing our facilities to assure that all Persons Deprived of Liberty under our care will be detained according to the standards set about by the laws,” sabi pa ng BJMP.

 
 

ni Lolet Abania | March 6, 2021



Isang babae ang nahuli matapos na tangkang ipuslit sa loob ng Davao City Jail ang hinihinalang marijuana at ilegal na droga mula sa dala nitong pritong manok.



Kinilala ang suspek na si Audrey Madelo Millomeda, 37-anyos at residente ng Deca Homes, Barangay Cabantian, Buhangin District, Davao City.


Sa ulat, mahigpit na ipinatutupad ng mga tauhan ng Davao City Jail ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga papasok sa nasabing pasilidad.



Habang ininspeksyon ng jail guard ang mga dalang pagkain ng suspek, napansin nito na may nakahalo sa pritong manok na pakete at lumabas na ang laman ay ilegal na droga at marijuana.


Tumitimbang ng 50 grams ang ilegal na droga na may street value na P800,000. Inihahanda na ang isasampang kaso na paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.


Matatandaang, maraming beses na ring nakarekober ng malalaking halaga ng ilegal na droga ang nasabing city jail, kung saan nakakuha nito mula sa idinikit sa mga walis na ibinigay umano ng isang religious group.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page