top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 8, 2022



Mahigit 1,000 public utility vehicle (PUV) drivers ang muling napagkalooban ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa Davao City.


Tinatayang aabot sa 1,300 PUJ at taxi drivers ang tumanggap ng tig-P3,000 sa ilalim ng programa ng DSWD na Assistance to Individual in Crisis (AICS).


Ayon kay Mae Aquino, focal person ng Community Welfare Program ng CSWDO, ito na umano ang ikalawang payout ng mga PUV drivers sa Davao City na lubos na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.


Paliwanag ni Aquino, idinaraan sa validation ng mga social workers ng mga barangay ang pagpili sa mga benepisyaryo ng naturang programa upang matiyak na karapat-dapat silang mapabilang sa listahan ng DSWD na mapagkalooban ng ayuda.


Dagdag pa ng focal person, patuloy pa rin aniya ang pagsasagawa ng pre-listing sa mga eligible PUV drivers sa lahat ng barangay sa lungsod ng Davao, kung saan nasa mahigit 3,000 pa lamang aniya ang nakapagpasa ng kanilang mga requirements.


Samantala, target ng AICS program sa Davao City na mabigyan ng tulong-pinansiyal ang halos 8,000 mga PUJ at taxi drivers sa lungsod.


 
 

ni Zel Fernandez | May 1, 2022



Batay sa isinagawang Ateneo de Davao University Blue Vote 2022 Off Campus City-wide survey nitong Abril 2 hanggang 18, lumabas sa resulta na nananatiling pabor umano ang mga residente ng Davao City sa mga anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging elected officials sa darating na 2022 National and Local Elections.


Sa detalye ng naturang survey, nanguna umano si vice presidential candidate at incumbent Mayor Sara Duterte na nakakuha ng 89.3% mula sa 1,594 respondents sa buong lungsod.


Nanguna rin si Vice Mayor Sebastian Duterte sa pagtakbo nito sa pagka-alkalde sa Davao City na mayroon namang 86% mula sa 1,464 respondents.


Base rin sa datos, pinangunahan naman ni Congressman Paolo Duterte ang unang distrito ng lungsod para sa muli nitong pagtakbo na pinaboran ng 82.93% katao mula sa 498 respondents.


Samantala, nangunguna rin daw sa lungsod ang running mate ni Sara Duterte na si presidential candidate Bongbong Marcos na nakakuha ng 79.8% mula sa 1,594 respondents, habang sinundan naman ito ni Vice President Leni Robredo na pinaboran ng 2.1% respondents sa survey.


 
 

ni Lolet Abania | May 6, 2021




Isang senior citizen ang namatay habang nasa 180 kabahayan ang natupok matapos sumiklab ang sunog sa Davao City, kagabi.


Kinilala ang 84-anyos na biktima na si Diosdada Alferez.


Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Davao City, nagsimula ang sunog sa tirahan ng isang Charice Acupiado sa isang residential area sa Barangay Tibungco dakong alas-10:00 ng gabi nang Miyerkules.


Itinaas sa ika-5 alarma ang sunog habang naapula ang apoy alas-2:34 ng madaling-araw ngayong Huwebes.


Ayon pa sa BFP, isang nakasinding kandila ang naiwan na naging sanhi ng sunog.


Tinatayang nasa P630,000 ang halaga ng napinsala dahil sa sunog.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page