ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 29, 2024
ISSUE #338
Sa dami na ng nangyayari sa ating pang-araw-araw na buhay, meron mga pagkakataon na hindi na natin alintana ang ating ikinikilos o ginagawa. Kadalasan, wala rin sa ating hinagap na sa simpleng pagkukusa o pagkakawanggawa, isang malagim na sitwasyon na pala ang biglang bubulaga.
Marahil naranasan na rin ninyo sa inyong buhay, ang masabi ang mga katagang, “Ako na nga ang nagkusa, ako pa ang napasama.”
Walang sinuman ang nais malagay sa kapahamakan, lalo na’t para lamang makatulong o sa kabutihan. Subalit, sadya yata na ang kasamaan ay nariyan lamang sa ating kapaligiran.
Ang kuwento na ibabahagi namin sa araw na ito ay hango sa kasong People of the Philippines vs. Biembo Jayo y Patigdas (CA-G.R. CR No. 02106-MIN, April 19, 2023), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Oscar V. Badelles (Twenty-First Division). Dalawa ang inakusahan sa pamamaslang, subalit isa lamang ang nahatulan ng legal na kaparusahan ng mababang hukuman. Pagkukusang-loob diumano na nauwi sa pagkakapaslang ng isa sa nais niyang tugunan.
Ating tunghayan ang mga pangyayari batay sa mga impormasyon na isinumite sa hukuman at kung ano ang naging pinal na desisyon sa partidong nahatulan.
Noong ika-7 ng Marso 2019, anti-bisperas ng kapistahan sa Lamac, Rebe, Lala, Lanao del Norte, nagpunta umano sa nasabing lugar sina Delson, Ariel at Mico upang manood ng Bikini Open, habang naroon ay nakainom diumano ang tatlo ng sampung bote ng Red Horse beer. Bandang alas-2:20 ng madaling araw ay naglakad na diumano ang tatlo pauwi nang may napansin sila na paparating na isang motorsiklo na merong sidecar. Huminto umano ito malapit na sa kanila at bumaba umano mula sa nasabing sasakyan sina Biembo at Wengie.
Nagkaroon diumano ng gulo sa pagitan ng grupo nila Delson at Biembo, kung saan nasaksak diumano ni Biembo si Mico sa dibdib na naging sanhi ng dagliang pagpanaw ng naturang biktima.
Kasong murder sa ilalim ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code ang isinampa na kaso laban kina Biembo at Wengie sa Regional Trial Court (RTC) ng Kapatagan, Lanao del Norte.
Batay sa paratang na inihain laban sa kanila, nagkaroon diumano ng sabwatan sa pagitan ng dalawa na kung saan si Wengie diumano ang sumuntok kay Mico, habang si Biembo naman ang sumaksak kay Mico sa dibdib at iba’t iba pang bahagi ng katawan ng biktima na naging sanhi ng pagkasawi nito.
Batay naman sa testimonya ni Wengie sa hukuman, kilala niya umano si Delson dahil ang kanilang mga dating kasintahan ay magkaibigan.
Matapos umano ang Miss Lamac Beauty Pageant, nagpunta si Wengie at kanyang mga kasamahan sa tindahan ni Raquel upang bumili ng mga inumin. Nakita umano ni Wengie sina Delson, Ariel at Mico na nag-iinuman sa tindahan ni Jenny. Makalipas ang ilang sandali, nagpunta umano sina Delson sa tindahan ni Raquel at nagkaroon diumano ng berbal na alitan sa pagitan niya at ni Delson. Sa gitna diumano ng nasabing alitan ay bigla na lamang sinuntok ni Ariel si Wengie mula sa likod. Tumama umano ang naturang suntok sa likod na bahagi ng ulo at gilid ng mukha ni Wengie, dahilan upang mapadapa ito sa lupa.
Magpapakawala umano sana ng suntok si Wengie ngunit siya ay napigilan ng kanyang mga kaibigan. Dumating na rin diumano ang mga magulang ni Wengie at dinala siya sa kanilang kapitbahay kung saan sila ay nanatili hanggang alas-4:00 ng madaling araw. Nakauwi na umano si Wengie at ang kanyang mga magulang sa kanilang bahay at nakatulog, subalit siya umano ay nagising bandang alas-6:00 ng umaga ring iyon nang sabihin sa kanya na isa siya sa mga pinaghihinalaan na sumaksak kay Mico.
Sinuportahan ng kanyang ina na si Virginia at kanilang kapitbahay na si Elena ang kanyang testimonya.
Mariin na itinanggi ni Wengie na meron siyang kaugnayan sa naganap na pananaksak at pamamaslang kay Mico. Itinanggi rin niya na kilala niya si Biembo. Nakilala lamang diumano niya si Biembo noong sila ay kapwa ma-detine sa Municipal Hall ng Lala, Lanao del Norte.
Batay naman sa testimonya ni Biembo, bandang alas-12:00 ng tanghali noong ika-6 ng Marso 2019 ay inutusan siya ng kanyang lola na magpunta sa Rebe, Lala, Lanao del Norte upang kausapin ang isang manggagawa. Nang wala umano roon ang nasabing manggagawa ay nagpasya si Biembo na kitain ang kanyang kaibigan na inanyayahan siya na maghapunan sa Sitio Anot, Lamac. Rebe, Lala, Lanao del Norte.
Diumano, matapos siyang makapaghapunan ay nagpunta siya sa kubo ng kanyang kapatid at nakatulog doon hanggang madaling araw.
Nang magising umano siya ay sumakay na siya sa motorsiklo na merong sidecar para umuwi.
Sa daan ay naabutan niya umano na naglalakad ang tatlong kalalakihan, na kalaunan ay kinilalang sina Delson, Ariel at Mico. Pinara umano siya ng isa sa tatlo, agad siyang huminto sa pag-aakala na nais ng mga ito na makisakay. Paglapit diumano ng tatlo ay bigla na lamang siyang sinalakay at pinagsusuntok, dahilan upang siya ay mapahiga sa lupa. Agad umano siyang tumayo at nakita niya na ang isa sa mga ito na merong hawak na kutsilyo.
Bagaman patuloy ang panununtok sa kanya, binigyang-tuon diumano ni Biembo ang may hawak ng kutsilyo at nakipagbuno siya para makuha ang naturang patalim.
Nang makuha umano ni Biembo ang kutsilyo ay sinaksak niya ang isa at agad siyang tumalilis. Tumakbo umano siya sa basketball court upang humingi ng saklolo subalit wala umanong tao noong panahon na iyon. Kaya naman nagtago na lamang diumano siya sa isang kanal ng mahigit-kumulang 30 minuto bago siya umalis.
Sa ibinabang hatol ng RTC noong ika-3 ng Nobyembre 2020, pinawalang-sala si Wengie. Subalit, hatol na conviction ang iginawad kay Biembo para sa krimen na Homicide.
Parusa na pagkakakulong ng 6 na taon at isang araw bilang minimum, hanggang 14 na taon at 9 na buwan bilang maximum ang ipinataw sa kanya.
Siya rin ay pinagbabayad sa mga naulila ni Mico ng halagang P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang exemplary damages.
Hiniling ni Biembo na muling isaalang-alang ang kanyang pagsamo, subalit ito ay tinanggihan ng hukuman. Kung kaya’t naghain siya ng kanyang apela.
Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan H.J.A. Franje-Celestiano mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao, iginiit ng depensa na mali ang RTC na hindi binigyan ng konsiderasyon ang self-defense sa parte ni Biembo. Diumano, ipinagtanggol lamang ni Biembo ang kanyang sarili mula sa pagsalakay ng tatlong kalalakihan na inakala niyang makikisakay lamang sa kanyang dalang sasakyan.
Sa muling pagsusuri at pag-aaral ng CA Cagayan de Oro City sa kaso ni Biembo at sa ibinabang desisyon ng RTC ng Kapatagan, Lanao del Norte, isinaalang-alang ng appellate court ang mga natuklasan ng mababang hukuman kaugnay sa pagpapawalang-sala nito kay Wengie.
Para umano sa CA Cagayan de Oro City, kung tinanggap ng mababang hukuman ang pagdadahilan o alibi ni Wengie na wala siyang kinalaman sa pananaksak kay Mico sapagkat siya ay nasa kanilang kapitbahay hanggang alas-4:00 ng madaling araw, noong ika-7 ng Marso 2019, kasama ang kanyang mga magulang at sila ay umuwi at nagising na lamang bandang alas-6:00 ng umagang iyon nang ipaalam sa kanya na isa siya sa mga pinaghihinalaan na sumaksak kay Mico, nangangahulugan diumano na nagsasabi ng totoo si Biembo – na mag-isa lamang siya na nakasakay sa naturang motorsiklo nang maabutan niya sa daan ang grupo nina Delson.
Ang ilan pang makabuluhan na katotohanan na naitaguyod diumano ng ebidensiya na isinumite ni Wengie sa mababang hukuman, na hindi umano napabulaanan ng tagausig ay ang naganap na alitan sa pagitan ni Delson at Wengie na kung saan sinubukan diumano na galitin ni Ariel si Wengie, subalit napigilan diumano ang pagganti ng huli bunsod ng pag-awat ng kanyang mga kaibigan at ng napapanahong pagdating ng kanyang mga magulang.
Ang nasabing alitan ay naganap diumano ilang oras bago ang insidente sa pagitan ni Biembo at grupo nila Delson. Naitaguyod din diumano ng ebidensiya ni Wengie na hindi sila magkakilala ni Biembo at ang una nilang pagkikita ay noong ma-detine sila sa Municipal Hall ng Lala, Lanao del Norte.
Binigyang-tuon din ng hukuman ng mga apela ang iginiit ni Biembo na self-defense, upang mapatunayan na merong balidong self-defense, kinakailangan maitaguyod ang mga sumusunod na elemento:
(1) Unlawful aggression o hindi makatarungan na pagsalakay ng biktima;
(2) Makatwiran na pamamaraan ng pagsalag ng taong dumedepensa sa kanyang sarili mula sa pagsalakay ng biktima;
(3) Walang sapat na probokasyon sa parte ng taong dumedepensa sa kanyang sarili para siya ay salakayin ng biktima.
Batay umano sa mga ebidensiya na isinumite sa hukuman, meron diumanong elemento ng unlawful aggression sa parte nila Delson, Ariel at Mico. Naging kapuna-puna sa appellate court ang naganap na alitan sa pagitan ng grupo nila Wengie at Delson na sinubukan pa na galitin ni Ariel si Wengie, subalit hindi na nakaganti ang huli dahil sa pagkakapigil ng mga kaibigan nito. Kapansin-pansin diumano na sina Delson, Ariel at Mico ay nakainom na ng 10 bote ng Red Horse beer, maiinit na ang mga ulo at balisa na bunsod ng naturang alitan.
Kung kaya’t maaari umano na inaasahan ng mga ito ang paghihiganti mula sa grupo nila Wengie. Madilim din umano ang daan noong madaling araw na iyon at ang ilaw na meron lamang ay ang galing sa motorsiklo na minamaneho ni Biembo. Kung kaya’t maaaring hindi umano nakilala nang husto ng grupo ni Delson si Biembo, napagkamalan nila ito na kasamahan ni Wengie, at pinara nila ito at sinalakay sa maling pag-aakala na gaganti ito sa kanila.
Para rin sa hukuman ng mga apela, naitaguyod diumano ng depensa ang makatwirang pamamaraan ng pagsalag na ginawa ni Biembo bilang pagtanggol sa kanyang sarili.
Natural lamang diumano na salagin ni Biembo ang taong merong hawak ng patalim sapagkat iyon ang pinakamapanganib para sa kanya. Natural din umano na saksakin niya ang tao na sasalakay sa kanya gamit ang naturang patalim, bagaman hindi inaasahan na mapapaslang niya ito.
Naitaguyod din ng depensa na walang sapat na probokasyon sa parte ni Biembo upang siya ay salakayin ng grupo ni Delson. Wala umanong patunay na ipinrisinta sa hukuman na maaaring magsilbing dahilan ni Biembo upang salakayin niya ang grupo nila Delson. Hindi rin umano kasapanta-sapantaha na salakayin ni Biembo nang mag-isa ang tatlong lalaki. Diumano, kung meron mang pagkakamali si Biembo, ito ay ang kanyang paghinto noong siya ay parahin sa pag-aakala na kailangan ng tatlo ng masasakyan.
Kung kaya’t kinatigan ng hukuman ng mga apela ang depensa ni Biembo na makatarungang pagtatanggol sa kanyang sarili o lawful self-defense lamang ang kanyang ginawa. Dahil dito, minarapat ng CA Cagayan de Oro City na baliktarin at isantabi ang naunang desisyon ng RTC at ipawalang-sala si Biembo.
Ang Desisyon na ito ng CA Cagayan de Oro City ay naging final and executory noong Abril 19, 2023.
Ang kaso na ito ay isang paalala na hindi dapat galit, init ng ulo o paghihiganti ang inuuna. At kung iinom man ng alak, huwag sobra at baka ito ang iyong ikapahamak.
Kahit ang biktima na napaslang na si Mico ay marahil hindi inaasahan na mauuwi ang gulo sa kanyang pagpanaw. Kung maibabalik lamang ang panahon, sana ay pinili na lang ng mga partidong sangkot sa gulo ang maging mahinahon.
Pakatandaan, ang buhay ay napakaiksi lamang, kaya ang oras at araw natin ay gawing makabuluhan.