ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 17, 2024
Sa bawat reklamo at dinudulog na kaso, laging mayroong dalawang panig na sadyang hindi magkasundo. Mahirap ang ganitong sitwasyon sapagkat ang bawat isa sa kanila ay mayroong iginigiit at hustisya ay kapwa nila nais makamit.
Ngunit sino nga ba ang higit na dapat paniwalaan sa pagitan ng dalawang tila bato na nag-uumpugan? Kaninong daing ba ang higit na dapat mapakinggan? Anuman ang kasagutan, ang batas ay nararapat manaig sa pagtimbang ng kat’wiran ng dalawang panig.Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito, ang People of the Philippines vs. Rolando Dimailig y Recto (CA G.R. CR NO. 47760, January 16, 2024), ay tungkol sa bintang ng isang biktima na wala pa sa hustong gulang. Giit naman ng inakusahan, siya ay walang kasalanan.
Ating tunghayan kung paano itong pinal na dinesisyunan ng ating hukuman.Ang biktima sa kasong nabanggit ay si AAA, 9-anyos umano siya nang mangyari ang insidente na naging sanhi upang siya ay maghain ng reklamo laban sa akusadong si Rolando. Alas-8 ng gabi, noong Disyembre 29, 2009, inutusan si AAA ng kanyang ina na pumunta sa tindahan upang bumili ng asukal at sabon. Ngunit hindi umano nakabili si AAA. Umuwi siyang balot ng takot dahil siya umano ay niyakap at hinawakan ang kanyang puwitan ng isang lalaking lasing na nakaputing t-shirt, na kalaunan ay kinilala bilang si Rolando.
Nang malaman ng mga magulang ni AAA ang pangyayaring iyon agad silang nagpunta sa tindahan. Naabutan na nilang palayo sa tindahan si Rolando, na agad nilang kinumpronta. Pero sa gitna umano komprontasyon, hinimatay at nawalan ng malay si AAA.
Sa naging pagsusuri ng isang pribadong doktor kay AAA, na-diagnose siya na mayroong “Traumatic Stress Syndrome. ”Kalaunan, sinampahan si Rolando ng kasong Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Section 5(b), Article II ng Republic Act (R.A.) No. 7610.
Bagama’t iginiit ni Rolando na siya ay walang kasalanan, hatol na conviction ang ibinaba ng Regional Trial Court na kung saan siya ay pinatawan ng parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa 10 taon at 1 araw hanggang hindi hihigit sa 17 taon, 4 na buwan at 1 araw, pinagbabayad din siya sa biktima ng P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang exemplary damages, na may pataw na 6% interest mula sa araw na maging pinal ang naturang hatol hanggang sa ang kabuuan ng mga ito ay mabayaran niya.Agad na naghain si Rolando ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA) upang kuwestyunin kung tama ang naging hatol laban sa kanya. Para kay Rolando, hindi umano naging sapat ang ebidensya ng tagausig laban sa kanya.Sa muling pagsisiyasat sa kasong kriminal na isinampa laban kay Rolando, ipinaalala ng CA ang kahalagahan ng pagkakaroon ng katibayan na higit sa makatuwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt laban sa akusado.
Binigyang-diin ng CA na obligasyon ng panig ng tagausig na patunayan ang kasalanan ng akusado. Hindi umano kailangan na patunayan ng akusado ang kanyang kawalan ng kasalanan sapagkat ito ay ipinagpalagay na ng batas. Kaugnay nito, ang tagausig ay maaari lamang umasa sa lakas ng sarili nitong ebidensya at hindi umano dapat umasa ang tagausig sa kahinaan ng depensa ng akusado.
Ang mga tuntuning ito ay bunga umano ng pangunahing karapatan ng bawat akusado na nakasaad mismo sa ating Saligang Batas, na maipagpalagay na inosente sa krimen, maliban na lamang kung ang kanilang pagkakasala ay mapatunayan sa hukuman. Partikular na nakasaad sa Section 14 (2), Article III ng ating 1987 Constitution:
“(2) In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved, and shall enjoy the right to be heard by himself and counsel, to be informed of the nature and cause of the accusation against him, to have a speedy, impartial, and public trial, to meet the witnesses face to face, and to have compulsory process to secure the attendance of witnesses and the production of evidence in his behalf. However, after arraignment, trial may proceed notwithstanding the absence of the accused provided that he has been duly notified and his failure to appear is unjustifiable.”
Sa muling pag-aaral at masusing pagsisiyasat ng appellate court, nabuo umano ang pagdududa sa kanilang isipan kung si Rolando nga ba ang yumakap at humawak sa puwitan ni AAA. Sa testimonya umano ni AAA, bagaman tiyak ang naturang biktima na matandang lalaki na naka-puting t-shirt ang yumakap at humawak sa kanyang puwitan, hindi umano niya nakita kung sino ang nasabing lalaki sapagkat siya umano ay nakaharap sa ibang direksyon noong nangyari ang insidente at agad din siyang tumakbo pauwi sa kanilang bahay upang magsumbong sa kanyang mga magulang.
Ipinahayag din umano ni AAA na hindi niya kilala si Rolando bago mangyari ang insidente. Nakilala na lamang niya umano ito noong sila ay nasa himpilan na ng pulis.Nakadagdag din sa pagdududa sa isipan ng CA ang kawalan umano ng pagpapatunay na si AAA lamang at ang sinasabing lalaki ang naroon nang mangyari ang insidente. Bagaman lasing na lalaki ang umano'y nanghipo sa biktima, hindi umano napatunayan na lasing si Rolando noong siya ay arestuhin ng mga barangay tanod. Wala rin umanong katibayan ang panig ng tagausig na dinala nga si Rolando sa himpilan ng pulisya matapos na siya ay arestuhin ng mga barangay tanod.
Ang mga butas sa ebidensya ng tagausig ang nagdulot ng pagdududang nabanggit, ito ang naging basehan upang ipawalang-sala ng CA si Rolando. Ipinaliwanag ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Associate Justice Eleuterio L. Bathan ng 13th Division:
“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved. He is entitled to an acquittal unless his guilt is shown beyond reasonable doubt. Proof beyond reasonable doubt does not mean such a degree of proof as excluding the possibility of error, produces absolute certainty. Moral certainty only is required, or that degree of proof produces conviction in an unprejudiced mind.As held in several cases, when the guilt of the accused has not been proven with moral certainty, the presumption of innocence of the accused must be sustained and his exoneration be granted as a matter of right. The prosecution’s evidence must stand or fall on its merit and cannot be allowed to draw strength from the weakness of the evidence for the defense.”
Ang nabanggit na pabor na desisyon ng CA kay Rolando ay naging final and executory noong Enero 16, 2024.
Tumagal man ng higit sa 14 na taon ang pagdinig sa kaso, pasasalamat pa rin ang naramdaman ng aming tanggapan na nagtanggol kay Rolando, sapagkat ang hustisya na matagal niyang inasam ay naihatid na rin sa kanya nang walang pag-aagam-agam. Nailaban ang kanyang karapatan, kahit pa siya ang inakusahan. Ito naman ay nararapat lamang upang lubos na umiral ang katarungan.